Team Pilipinas patungo sa Doha
Para labanan ang mga Qataris sa Asian Qualifiers
MANILA, Philippines – Magtutungo ngayong umaga ang Team Pilipinas sa Doha, Qatar para sa huling bahagi ng kanilang paghahanda sa sixth at final window ng 2019 FIBA World Cup Asian Qualifiers.
Sa pangunguna ni head coach Yeng Guiao, bibiyahe rin sa Middle East ang 13 sa kanyang 14-man pool na sina five-time PBA MVP June Mar Fajardo, Japeth Aguilar, Raymond Almazan, John Paul Erram, Troy Rosario, Gabe Norwood, Marcio Lassiter, Roger Pogoy, Mark Barroca, Scottie Thompson Paul Lee at Jayson Castro.
Kasama rin sa trip ang top collegiate player at national team cadet na si Thirdy Ravena mula sa Ateneo bilang pinakabatang manlalaro ng Nationals.
Sa Doha na rin sasalubungin ng Team Pilipinas ang pagbabalik ng naturalized player na si Andray Blatche na bumiyahe na rin mula sa China.
Noong Lunes ay bumalik ang 32-anyos na si Blatche sa koponan ng Tianjin Gold Lions para sa kampanya sa Chinese Basketball Association (CBA).
Sa pagbabalik ni Blatche ay umaasa si Guiao na lalapit sila sa kailangang 90 percent na kahandaan na sapat na upang talunin ang Qatar at Kazakhstan sa Pebrero 21 at 24, ayon sa pagkakasunod.
“Siguro nasa 80 percent na kami. We can’t really be 100 percent dahil kulang talaga sa preparasyon,” ani Guiao.
“So by the time we play, we should be around close to 90 something. I think that’s okay. That will be enough for us to win games,” dagdag pa nito.
Bago naman umalis patungong Qatar ay nagpakita muna ang Team Pilipinas ng bahagya sa todong kahandaan matapos tambakan ang Meralco, 100-82, sa kanilang tune-up match kahapon ng umaga sa Meralco Gym sa Ortigas sa Pasig City.
At dito bumilib si Guiao.
“At least even without Andray, we’ve seen that the guys are blending well. We played good defense today. We’re hoping we can still improve our defense and be able to translate or apply the things that we’ve practiced in the window, game against Qatar and Kazakhstan,” aniya.
“Were’ happy with the effort of the guys. Everybody is serious about the preparation. Ang tingin ko ready na lahat at this point.”
Pagdating sa Doha ay magpapahinga muna ang tropa bago sumalang sa twice-a-day training sa susunod na araw para sa inaabangang laban kontra sa Qatar sa Pebrero 21.
Kailangang maipanalo ng Nationals ang laban kontra sa Qatar gayundin ang laro sa Kazakhstan upang makapasok sa 2019 FIBA World Cup na gaganapin sa China sa Agosto.
Tatlong koponan lamang ang papasok sa naturang quadrennial basketball event at sa ngayon hawak ng Team Pilipinas ang 5-5 baraha at nasa ikaapat na puwesto ng Group F sa likod ng Australia (9-1), Iran (7-3) at Japan (6-4).
- Latest