Alab itatayo ang 5-0 baraha
MANILA, Philippines — Asam ng nagdedepensang San Miguel-Alab Pilipinas na mapanatili ang malinis na kartada sa pagharap sa Wolf Warriors ng China sa 9th Asean Basketball League (ABL) sa Lapu-Lapu City Sports Complex sa Cebu.
Matapos ang mahabang pahinga dahil sa Yulitide Season ay malakas ang kumpiyansa ng Filipino team sa kanilang pagharap laban sa baguhang Wolf Warriors ngayong alas-7 ng gabi.
Pinataob ng Alab Pilipinas ng dalawang beses ang CLS Knights-Indonesia at nagwagi kontra sa Formosa Dreamers, 86-72, noong Disyembre 21 sa Sta. Rosa, Laguna at sa Singapore Slingers, 77-71, noong Disyembre 23 sa Caloocan City Sports Complex para sa magandang 4-0 panimula sa liga.
Bunsod ng magandang umpisa ay tiwala rin si head coach Jimmy Alapag na malalampasan ng kanyang tropa ang hamon ng koponan mula sa China na nagtitiis sa ilalim ng standing sa 1-8 card.
Ang tanging panalo pa lamang ng Wolf Warriors ay laban sa CLS Knights-Indonesia, 96-88, noong Disyembre 19 sa Doumen Gym sa Zhuhai, China.
Ito pa lang ang una sa 11-game schedule ng Alab Pilipinas sa buwan ng Enero dahil huli na silang nag-umpisa sa 2019-2020 season, habang ang iba ay nagsimula na noon pang Nobyembre.
Pagkatapos ng Wolf Warriors ay lilipad kaagad ang tropa ni Alapag sa Kuala Lumpur, Malaysia para harapin ang Westports Dragons sa MABA Stadium sa alas-8:30 ng gabi sa Miyerkules at uuwi para sa kanilang laban kontra sa 2018 semifinalist na Hong Kong Eastern Lions sa alas-8 ng gabi sa Biyernes sa Sta. Rosa, Laguna.
Bukod kina Puerto Rican imports Renaldo Balkman at PJ Ramos, sasandal din si Alapag kina back-to-back local MVP Bobby Ray Parks, Jr., Brandon Rosser at Caelan Tiongson.
- Latest