Miami binigyan ng regalo si Spoelstra
ORLANDO, Florida — Humugot si guard Tyler Johnson ng 20 sa kanyang 25 points sa third quarter para pamunuan ang Miami Heat sa 115-91 paggupo sa Magic.
Ito ang ika-500 coaching victory ni Filipino-American mentor Eric Spoelstra para sa Heat.
Nagdagdag si Justise Winslow ng 22 points at naglista si Josh Richardson ng 15 points at 10 rebounds para sa Miami, tinalo ang Orlando sa unang pagkakataon sa ikatlo nilang pagtutuos ngayong season para sa 16-16 rekord.
Nagsalpak si Johnson ng limang three-pointers sa third quarter, tampok dito ang isang four-point play, bago ipinahinga sa fourth quarter.
Kumabig naman si Dwayne Wade, naglalaro sa kanyang pang-24 at final game sa Orlando, ng10 points at 4 assists sa loob ng 24 minuto.
Si Spoelstra, naging coach Heat sapul noong 2008-09 season, ay may career coaching record na 500-336 at nanalo ng dalawang NBA titles.
Binanderahan naman ni Evan Fournier ang Magic, nalasap ang ikatlong dikit na kamalasan, sa kanyang 17 points.
Sa Indianapolis, humakot si Myles Turner ng 18 points at 17 rebounds para ihatid ang Indiana Pacers sa 105-89 pananaig laban sa Washington Wizards.
Nagmula ang Wizards sa triple-overtime win laban sa Phoenix Suns sa Washington kamakalawa.
May pitong players ang Pacers na umiskor ng double-figures tampok ang 15 points at 10 boards ni Domantas Sabonis.
Binanderahan ni Markieff Morris ang Wizards mula sa kanyang 16 points kasunod naman ang 11 markers ni Thomas Bryant.
Sa Sacramento, kumolekta si Willie Cauley-Stein ng 22 points at career-high 17 rebounds, habang nag-ambag si Buddy Hield ng 28 points para tulungan ang Kings na makabangon mula sa 11-point deficit sa fourth quarter tat balikan ang New Orleans Pelicans, 122-117.
Tumipa si Bogdan Bogdanovic ng 24 points, samantalang nagtala si De’Aaron Fox ng 19 points at 11 assists at may 10 markers si Iman Shumpert.
Humataw naman si Anthony Davis ng 26 points at 17 rebounds sa panig ng Pelicans.
Si Jrue Holiday ay nagdagdag ng 27 points, 6 assists at 7 rebounds para sa New Orleans, nalasap ang ikaapat na sunod na kabiguan at pang-12 sa huli nilang 17 laro.
Sa Detroit, nagsumite si Alex Len ng 15 points at season-high 17 rebounds at tumapos si Vince Carter na may season-best 18 points para pamunuan ang Atlanta Hawks sa 98-95 panalo kontra sa Pistons.
Ito ang ikatlong sunod na ratsada ng Hawks, nakahugot kay Kent Bazemore ng 13 points.
- Latest