Fronda, Frayna ‘di umabot
MANILA, Philippines – Bigong pumasok sa top 10 sina Woman International Master Jan Jodilyn Fronda at Woman Grandmaster Janelle Mae Frayna matapos makipag-draw lamang sa kanilang magkahiwalay na laban sa huling round ng 7th Asian Continental Chess Championships (Second Manny Pacquiao Cup) noong Martes ng gabi sa Tiara Hotel.
Tumabla si Fronda kay third seed IM Guo Qi ng China habang si Frayna ay nakikipaghati ng puntos kay 13th seed WGM Nguyen Thi Thanh An ng Vietnam para tumapos na kasama sa seven-player logjam sa pang-12th na puwesto sa pare-parehong 5-points.
Pagkatapos ng tie-break, nakuha ni Fronda ang pang-16th overall spot habang si Frayna ay pang-18th pagkaraan sa nine-round torneo na sinusuportahan nina Sen. Manny Pacquiao, Philippine Sports Commission at NCFP president Butch Pichay.
Tumabla rin si Woman FIDE Master Allaney Jia Doroy kay 11th seed WIM Mobina Alinasab ng Iran at tumapos sa ika-19th spot sa kanyang 4.5 puntos. Ngunit higit sa lahat, ang 17-anyos na si Doroy ay nakalikom ng 101.6 rating points para madagdagan ang kanyang 1,972 rating sa kasalukuyan.
Nagwagi naman si IM Ruot Padmini ng India laban kay WGM Gong Qianyun ng Singapore sa tiebreak upang angkinin ang titulo sa women’s division.
Sa men’s division, ang 58-anyos na si IM Ricky de Guzman ay tumabla rin kay GM Abhimanyu Puranik ng India sapat na para maging Filipino best finisher sa pang-23rd spot sa kanyang limang puntos.
Nakakuha rin ng limang puntos si GM John Paul Gomez matapos tumabla kay dating women’s world champion GM Tan Zhongyi ng China. Si Gomez ay tumapos sa pang-27th spot pagkaraang ng tie-break.
Tinalo ni GM Wei Yi ng China si GMAmin Tabatabei ng Iran at Le Quang Liem ng Vietnam sa tie-break para sungkitin ang korona sa men’s division.
- Latest