Standhardinger vs Banchero
Makakapagpasiklab pa kaya si Chris Banchero at makagawa ng dahilan upang talunin si runaway stats leader Christian Standhardinger sa Best Player of the Conference derby?
Ito ang katanungan matapos matulungan ni Banchero ang kanilang koponan na marating ang PBA Governors’ Cup Finals.
Malaki ang lamang ni Standhardinger laban sa lahat sa stats race pero hindi niya natulungan ang San Miguel Beer na makalagpas sa quarterfinals.
Si Banchero pa mismo at ang Alaska Milk Aces ang tumapos ng season ni Standhardinger at ng SMBeermen nang pagwagian ang kanilang quarterfinals matchup.
Pero kung stats ang pagbabasehan, No. 1 si Standhardinger na sinusundan nina Japeth Aguilar, Banchero, Stanley Pringle at Calvin Abueva. Sa Top Five, tanging si Banchero ang makakapagpakitang gilas pa sa title playoff.
Mula sa koponang Magnolia, si Paul Lee ang No. 1 sa stats, pero No. 7 lamang siya sa overall race.
Botohan ng mga players, media at PBA Commissioner’s Office ang huling magdedetermina ng BPC winner.
* * *
Nagpahaging na si national coach Yeng Guiao na isa si Arwind Santos sa mga seeded players sa Final 12 na isasabak sa ikalimang window ng FIBA World Cup qualifiers kung saan sasagupain ng Team Phl ang Kazakhstan at Iran.
Ani Guiao, si Arwind ang nakikita niyang magpapalalim ng No. 3 spot ng Team Phl dahil siya ay gaya ni Gabe Norwood na may kahabaan, may kabilisan at may tira sa labas.
Crucial para sa Pilipinas ang ganoong klaseng player dahil ganoon ang karamihang No. 3 player sa international competitions.
Three-deep na ang Team Phl sa No. 3 spot pagkatapos ni Troy Rosario na ise-serve ang kanyang huling suspension kontra sa Kazakhstan sa Nov. 30.
Pero kahit anong klaseng lineup ang mabuo mula sa 20-man national pool, kumpiyansa si Guiao na aabot ang Pilipinas sa 2019 World Cup sa China.
- Latest