Collegiate stars papagitna sa PSL Grand Slam
MANILA, Philippines — Papalo ngayon ang Philippine Superliga Collegiate Grand Slam tampok ang apat na koponang mag-uunahang makuha ang unang panalo, habang magpapatuloy din ang bakbakan sa All-Filipino Conference sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Lalarga ang salpukan ng University of the Philippines at University of the East ngayong alas-12 ng tanghali kasunod ang paluan ng Collegio San Agustin at University of Santo Tomas sa alas-2 ng hapon.
Matapos ang opening ceremony ay masisilayan ang laban ng Foton at Generika-Ayala sa alas-5 at ang laro ng Cignal at Cocolife sa alas-7 ng gabi.
Nakatutok ang atensyon sa Cignal at Cocolife na parehong nagnanais makabalik sa porma matapos yumuko sa kani-kanilang karibal sa opening day noong Sabado.
Natalo ang HD Spikers sa F2 Logistics, 16-25, 19-25, 19-25, habang nabigo ang Asset Managers sa nagdedepensang Petron, 18-25, 15-25, 18-25.
Magsisilbing lakas ng Cignal si opposite hitter Mylene Paat na nagpasiklab sa kanyang stint sa national team sa Asian Games at sa AVC Asian Women’s Championship.
Kumana si Paat ng 12 points sa kanilang huling laro.
Makakatulong ni Paat sa HD Spikers sina Rachel Anne Daquis, Honey Royse Tubino, Luth Malaluan, Roselyn Doria, Janine Navarro at libero Jheck Dionela.
Raratsada naman para sa panig ng Asset Managers si Fil-American recuruit Kalei Mau.
- Latest