South Cotabato boxer may pakay sa Pacquiao Cup
Mandaue City, Philippines — Determinado si Jake Sone Saludar ng Polomolok, South Cotabato na pumasok sa national team kaya ito ang inspirasyon niya para idispatsa si John Ednoel Prevendido ng Davao at umusad sa quarterfinals ng 2018 Philippine Sports Commission (PSC) Pacquiao Amateur Boxing Cup National Finals sa Mandaue Sports Complex dito.
Malakas na left and right straight ang pinakawalan ng 19-anyos na si Saludar sa mukha ni Prevendido sa ikatlong round para angkinin ang 3-2 decision laban kay Prevendido sa Youth Boys lightflyweight (46-49-kgs) division.
Dahil sa kumbinsidong panalo, nagpahayag ng malaking tiwala si Saludar na masungkit ang gintong medalya upang sumunod sa apak ng kanyang nakatatandang kapatid na si Rey Saludar, ang tanging Filipino boxer na nag-uwi ng gintong medalya mula sa boxing sa 2010 Asian Games sa Guangzhou, China.
Nahigitan naman ng Omega boxing club ng host Mandaue City ang panalo ni Saludar matapos makapasok ang kanilang dalawang boksingero sa susunod na round sa pangunguna ni Jhornie Pasculado na nagwagi kontra kay Jano Bartolay ng Bulan, Sorsogon, 4-1, sa Youth Boys bantamweight (56-kgs) bout.
Sumunod naman sa quarterfinals si Jarah Hury Aragon ng Omega club sa bisa ng 5-0 decision laban kay Reymart Soledad ng Victorias, Negros Occidental sa Youth Boys lightweight (60-kgs) fight.
Nanalo rin sina John Paul Gabuelas ng Cebu City at Jet Michael Lotino ng Castilla, Sorsogon sa Youth Boys lightflyweight bout; Michael Adolfo ng Cadiz City sa Youth Boys lightflyweight class; at si John Ignatius Macas ng Cagayan de Oro City sa Youth Boys flyweight.
Pasok din sa quarterfinal round sina RV Denega ng Gen. Santos City at Mike Angelo de la Torre ng Murcia, Negros Occiental sa Youth Boys bantamweight; at Jan Reyan Dapidran ng Kidapawan sa Youth Boys lightweight (60-kgs) fight.
- Latest























