Pax Britannica nagwagi sa huling karera
MANILA, Philippines – Nanalo ang Pax Britannica noong Martes sa huling karera na naganap sa pista ng San Lazaro Leisure and Business Park sa Carmona, Cavite.
Sinakyan ang Pax Britannica ni Class A jockey Jordan Cordova at ipinanalo ang kabayo sa Race 7 (Condition Race 16) bilang Oustanding Favorite.
Sa nasabing karera ay nagbakbakan sa unahan ang mga kabayong Sorsogon Bay ni jockey JA Guce, Miss Hooknladder ni JG Serrano at Boni Avenue na nirendahan naman ni jockey Mark “Eminem” Gonzales.
Nasa pang-apat na puwesto lang ang tambalang Pax Britannica at Jordan Cordova pero pagsapit sa huling 600 metro ng karera ay unti-unti na itong umabante hanggang sa tuluyan nang makuha ang bandera.
Lumayo na ang Pax Britannica paglagpas sa rektahan at pagtawid nang meta ay nanalo pa ng may anim na kabayo at nakagawa ng pruwebang 1:23 sa 1,300m na distansya
Ang Daily Double galing sa nanalong kabayo na Mighty Pride sa Race 6 ay nagbigay ng tamang P20 kada ticket, habang sa Extra Double galing sa kabayong Brown Fortune ay nagbigay rin ng dibidendong P20 sa kada limang pisong taya.
Patukan naman ang Forecast Betting Option dahil ang segundo liyamadong kabayo na Boni Avenue ang pumangalawa kaya naman P11.50 lang ang mga tinamaan ng nakakuha sa kumbinasyong 7-6.
Maganda ang naging Dibidendo sa Winner-Take-All dahil P9,837.60 ang naiuwi ng mga nakakuha sa mga nanalo simula Race 1 hanggang sa Race 7 sa nanalong kumbinasyong 5-5-2-3-9-2-7.
- Latest