Paalam at Ladon nakatiyak ng bronze medal
JAKARTA — Matapos ang ilang masakit na kabiguan ng ilang Pinoy boxers, may dalawa nang nakapasok sa semifinals para hindi mabokya ang 8-man Philippine boxing team dito sa 18th Asian Games sa kompetisyong ginaganap sa Jakarta International Expo.
Sina Carlo Paalam at Rogen Ladon ay nakasiguro ng bronze medals matapos makalusot sa kani-kanilang quarterfinal matches.
Nagtala si Paalam ng 4-1 panalo laban kay Termitas Zhussupov ng Kazakhstan sa men’s 46-49kg light flyweight, habang kinailangang paghirapan ng Olympian na si Ladon ang 3-1 split decision win kontra kay Azat Mahmetov ng Kazakhstan kamakalawa ng gabi.
Susunod na kalaban ng 24-gulang na si Ladon ang Thailander na si Yuttapong Tongdee, habang delikado si Paalam dahil ang hometown bet ng host Indonesia na si Amit ang kanyang kalaban.
Gagawin bukas ang mga laban nina Ladon at Paalam.
Tinalo naman ni Eumir Felix Marcial si Jinjae Kim, 5-0, ng Korea para tumiyak ng tanso sa men’s 75kgs.
Samantala, naging kontrobersiyal naman ang pagkatalo ni Nesthy Petecio, habang pinatulog ng kalaban si Mario Fernandez at bigo rin sa kanilang first round matches sina James Palicte, Joel Bacho at Irish Magno.
- Latest