Globalport lusot sa SMB
MANILA, Philippines — Aminado si Globalport coach Pido Jarencio na hindi niya alam talunin ang nagdedepensang San Miguel.
Ngunit puso ang ginamit ng mga Batang Pier para pabagsakin ang mga Beermen, 98-94, at patibayin ang kanilang pag-asa sa quarterfinal round ng 2018 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa MOA Arena sa Pasay City.
Ginawa ito ng Globalport bagama’t nasibak si import Malcolm White sa 8:09 minuto ng fourth quarter matapos malasap ang ikalawang technical foul mula sa hard foul kay San Miguel reinforcement Renaldo Balkman.
“Sa sarili ko lang hindi ko alam kung paano ko tatalunin itong San Miguel eh,” sabi ni Jarencio, nakahugot kay White ng 25 points. “Kasi bugbog na kami sa talo diyan eh. Parang lima o apat na taon ko na yatang hindi tinatalo ang San Miguel.”
Kumolekta naman si Stanley Pringle ng 22 points, 8 assists at 3 steals para sa ikaapat na panalo ng Batang Pier sa walong laro.
Kinuha ng Beermen ang 12-point lead, 67-55, mula sa fastbreak basket ni Arwind Santos sa 6:38 minuto ng third period bago ito naputol sa 83-80 sa 8:16 minuto ng final canto.
Ang triple ni Nico Elorde ang nagbigay sa Globalport ng 95-92 bentahe sa huling 48.1 segundo.
- Latest