Matibay na samahan ang susi sa panalo nina Rondina at Pons
MANILA, Philippines — Hindi matinag ang tambalan nina Sisi Rondina at Bernadeth Pons ng Petron.
Nakamit nina Rondina at Pons ang ikalawang sunod nilang kampeonato sa Philippine Superliga Beach Volleyball Challenge matapos pataubin sina Jackie Estoquia at DM Demontano ng Sta. Lucia Realty sa bendisyon ng 21-8, 21-11 demolisyon sa championship round para matagumpay na maipagtanggol ang kanilang titulo.
At ang magandang samahan ang naging matibay na pundasyon nina Rondina at Pons para matamis na makuha ang inaasam na tagumpay.
“Sa umpisa talaga medyo nahirapan kami dahil hindi kami kaagad nakapag-training na magkasama kami dahil sa UAAP. So after pa ng UAAP saka kami nakapag-training talaga,” wika ni Rondina na miyembro ng University of Santo Tomas indoor volleyball team.
Hindi umabot sa Final Four ang Tigresses, habang nakapasok sa finals ang Far Eastern University na siyang tropa ni Pons.
Kaya’t kinailangan pang maghintay ni Rondina na matapos ang UAAP para makasama si Pons sa training.
“Malalakas ang mga teams ngayon. Very competitive talaga sila. Pero I’m happy na nagbalik ‘yung laro namin ni Pons. Kabisado na namin ang isa’t isa kaya mas naging madali para sa amin,” dagdag ni Rondina.
Iisa ang galaw nina Rondina at Pons na may iisang target – ang muling makuha ang kampeonato.
“Gusto lang talaga naming manalo, ma-defend ang crown namin. Iyong desire sa bawat isa nandun talaga kaya maganda ang kinalabasan ng laro naming pareho,” ani Pons.
Kaya naman laking pasasalamat ng dalawa nang muling makuha ang kampeonato at umaasang maipagpapatuloy nina Rondina at Pons ang dominasyon sa susunod na edisyon ng torneo.
“We’re glad to survive another tough tourney. I want to say thank you to (Pons). At least our connection is still there,” ani Rondina.
- Latest