P30M+ sa Hagdang Bato P15M+ sa Low Profile
MANILA, Philippines – Wala pa halos sa kalahati ang kinita ng number one race horse ngayon na Low Profile kumpara sa dating kampeong Hagdang Bato.
Ang Hagdang Bato na pag-aari ni Mandaluyong Mayor Benhur Abalos Jr. ay kumita sa kanyang career ng P30,906,384 at iniretiro na ngayon at nagsisilbi na sa stud farm.
Ang kinita ng Hagdang Bato na karamihan ay mula sa malalaking stakes races at kaunti lamang ang sa regular races. Ang kabayo ay nagkaroon ng 31 malalaking panalo, tatlong pagsegundo, isang tersero at fourth place finish.
Pinalitan ang Hagdang Bato sa trono ng ngayon ay kasalukuyang kampeon na Low Profile na nakapagtala ng kinitang P13,580,556.
Sa ngayon ay aktibo pa rin ang Low Profile na puwede pang isabak sa malalaking karera.
Ang Low Profile na pag-aari ni R.B. Dimacuha ay nagguhit ng 26 panalo, 7 pagsegundo at dalawang pagtersero. Ang pinakamalaking panalo ng Low Profile ay ang katatapos na 2016 Presidential Gold Cup.
Dalawa pang kabayo ni Abalos ang nasa talaan ng palakihan ng kinita. Ang istalyong Ibarra ay kumi-ta ng P8,772,924 at ang spread out nito ay 19 na panalo, tatlong pagsegundo, dalawang pagtersero at dalawang pang-apat.
Ang isa pang kabayo ni Abalos na aktibo pa rin sa pagtakbo ay ang Malaya na sa ngayon ay kumita na ng mahigit sa P8,161,73 sa 20 panalo, dalawang pag-segundo, dalawang pagtersero at isang pang-apat.
Kabilang pa rin sa may malaking kinita sa kuwadra ng Abalos ay ang Kanlaon na aktibo pa rin sa pagtakbo. Ang kabayo ay may income na P7,576,901 mula sa kanyang 13 panalo, 14 na pagsegundo, anim na pagtersero at isang pang-apat.
Nakasingit naman ang kabayo ni businessman/sportsman Joseph Dyhengco na Dixie Gold na natakbo pa rin sa tatlong karerahann sa kinitang P7,574,052 mula sa 13 panalo, limang pagsegundo, limang pagtersero at isang pang-apat.
Kaunti lang ang nailagi ng kabayong Kid Molave na mula naman kay businessman Emmanuel Santos. Ang Kid Molave ay may P7,388,556 na kinita at mayroon lamang pitong panalo at isang pagsegundo.
Sa mga iginarahe na sa stud farm para magsilbing istalyon ay natutuon ngayon ang pansin sa dating pangarerang Shining Fame na pag-aari ni Antonio V. Tan Jr.
Napabalita na marami ngayong mananakbong mahuhusay ang nanggaling sa lahi ng Shining Fame na noon ay kumita naman ng P7,413,327 mula sa 16 na panalo, 11 pagsegundo, pitong pagtersero at walong pang-apat.
Sa kasalukuyang breed naman ay malaki na ang kinikita ng Dewey Boulevard sa naitalang P6,095,529 mula sa kanyang anim na panalo at dalawang pagsegundo.
Ang kasabayang Underwood ay mayroon namang P4,345,289 earnings mula sa limang panalo, dalawang pagsegundo at dalawang pagtersero.
Isa pa sa kanilang karibal na Radio Active ay mayroon namang P3,917,377 income buhat sa anim na panalo, apat na pagsegundo, dalawang pagtersero at isang pang-apat. JM
- Latest




















