UP, UST at NU humataw ng panalo sa women’s softball
MANILA, Philippines – Kapwa nagposte ng mga panalo ang Lady Maroons, Tigresses at Lady Bulldogs sa pagsisimula ng UAAP Season 78 women’s softball tournament sa Rizal Memorial Baseball Stadium.
Umasa ang University of the Philippines sa matinding pitching ni Cochise Bernabe para talunin ang Ateneo, 11-0.
Anim na batters ng Lady Eagles ang sinibak ni Bernabe para ibigay sa Lady Maroons, ang 2015 runner-up, ang panalo.
Pinabagsak naman ng University of Santo Tomas, sa pangunguna ni pitcher Mary Ann Antolihao, ang University of the East, 4-0, habang giniba ng National University ang De La Salle, 10-2.
Bubuksan naman ng Adamson University, naglista ng 62-0 record, ang kanilang pagtarget sa ikaanim na sunod na titulo sa pagsagupa sa UST bukas ng alas-9 ng umaga sa Malate venue.
Samantala, tatargetin ng Ateneo ang korona ng juniors crown sa pakikipagharap sa De La Salle-Zobel ngayong alas-9 ng umaga.
Kailangan lamang ng Blue Eaglets na manalo ng isang beses para tuluyan nang masikwat ang titulo.
Nauna nang pinadapa ng Blue Eaglets ang Junior Archers, 13-8.
- Latest