Pinoy wushu bets sa Winter Olympics?
MANILA, Philippines – Kung hindi mababago ang plano ay magkakaroon ang Pilipinas ng kinatawan sa Winter Olympics hindi lamang sa ice skating kundi maging sa wushu.
Sinabi ni Wushu Federation of the Philippines president Julian Camacho na tiniyak sa kanya ni International Wushu Federation chief Yu Zahi Qing na mapapasama ang sport sa 2022 Winter Games sa Beijing, China.
“He (Yu) told me when we talked in the last World Championship in Jakarta, Indonesia that wushu will be included in the Winter Olympics when Beijing hosts it in 2022,” wika ni Camacho, ang treasurer ng Philippine Olympic Committee.
“If it happens, we will not only send Michael Martinez or anyone in ice skating but also our wushu athletes,” dagdag pa nito.
Ang wushu ang palaging pinagkukunan ng gintong medalya ng bansa sa international arena at ang pagkakabilang nito sa Winter Olympics ang maaaring magbigay ng pag-asa sa Pilipinas na makuha ang kauna-unahang Olympic gold medal.
Sa 2015 World Championships sa Jakarta ay humablot sina Herdie Bacyadan at Arnel Mandal ng gold medals.
Nakopo ni Wally Wang ang gold noong 2008 Beijing Summer Olympics ngunit ang wushu ay ikinunsidera lamang na exhibition sport at hindi isang regular event.
Ipinursige ng IWF ang pagkakasama ng Chinese martial arts sa Summer Games ngunit hindi nakapasok sa 2016 Rio at sa 2020 Tokyo Games.
- Latest