Green 3-sunod na triple double
OAKLAND, Calif. – Itinanghal si Draymond Green bilang ikalawang Warriors player na nakapagposte ng tatlong sunod na triple-doubles at dumiretso ang Golden State sa kanilang ika-35 sunod na regular-season home win sa 111-101 paggiba sa Charlotte Hornets.
Umiskor sina Stephen Curry at Klay Thompson ng tig-30 points at nagtala si Marreese Speights ng season-high 15 markers mula sa bench para tulungan ang Warriors na walisin ang Hornets sa kanilang season series.
Ngunit ang gabi ay para kay Green na humakot ng 13 points, 15 rebounds 10 assists para makasama si Tom Gola (1959-60) bilang tanging dalawang Warriors players na naglista ng tatlong sunod na triple-doubles.
Ang huling player na nakagawa nito sa NBA ay si Oklahoma City Thunder guard Russell Westbrook, kumamada ng four-game streak sa nakaraang season.
Tumipa naman sina Kemba Walker at Jeremy Lamb ng tig-22 points para sa Hornets.
Sa Miami, nagpasabog si Chris Bosh ng 31 points, habang may 27 si Dwyane Wade kasama ang layup na pumuwersa sa overtime para burahin ang 18-point third-quarter deficit at resbakan ang Indiana Pacers, 103-100.
Nag-ambag si Goran Dragic ng13 points para sa ikatlong dikit na panalo ng Heat.
Tumapos si Paul George na may 32 points mula sa 12-for-29 shooting sa panig ng Indiana ngunit ang kanyang 3-pointer ay tumalbog sa pinakahuling aksyon ng laro. Nagdagdag si Monta Ellis ng 17 points para sa Pacers.
Sa Cleveland, tumipa si Kyrie Irving ng season-high na 25 points at may 24 si J.R. Smith na tinampukan ng walong 3-pointers para akayin ang Cavaliers sa 122-100 paggupo sa Toronto Raptors.
Nagposte si Irving, nasa kanyang ikaanim na laro matapos magkaroon ng broken left kneecap, ng 10 of 16 fieldgoal shooting.
Nagdagdag din ang three-time All-Star, nagkaroon ng injury sa Game 1 ng nakaraang NBA Finals, ng 8 assists at 6 rebounds.
Nagsalansan si LeBron James, ipinahinga sa fourth quarter, ng 20 points at 7 assists at limang Cavaliers starters ay tumapos sa double figures.
Humakot si Tristan Thompson ng 14 points at 11 rebounds habang nag-ambag si Kevin Love ng 14 markers para sa Cleveland na may 15-1 home record.
Pinamunuan ni Kyle Lowry ang Raptors sa kanyang 23 points.
- Latest