Matinding rematehan sa San Lazaro Leisure Park
MANILA, Philippines – Dahil na rin sa pagpasok ng 2016 ay inaasahan ang matinding labanan sa ating mga karera.
Ang kasabihan nga ay magpapabuwenas nang husto ang mga horseowners at trainers.
Asahan na magiging mahigpit ang agawan sa unang puwesto ng mga paboritong kabayo gayundin ang pagpupumilit na makaagaw eksena ng mga dehado.
Sa kabuuang 12 karera na inihanda ngayon ay itong nasa ika-pito sa pagpihit sa likuran ng line-up ang napipisil nating magiging matindi ang laban.
Bagama’t nasisilip na magiging bahagyang paborito ang Pax Britannica ay hindi naman nakasisigurado ng panalo.
Matatandaang tinalo ang Pax Britannica ng far second pick noon na Right As Rain sa mas malayo pang distansiyang 1,500 meters. Ngayon ay maghaharap ulit ang dalawang kabayo sa distansiyang 1,400 meters.
Ayon sa isang pinagpipitagang race expert, pinili niya ang Pax Britannica na muling sasakyan ni Dan Camañero na pang-apat at ang unang tatlong pinili niya ay ang Wannabe, Cinderella Kid at Bull Session. Choice rin niya ang Right As Rain.
Malakas rin ang tsansa ng Boy’s Of Meadows na napupunto sa ngayon dahil na rin sa magkasunod na panalo. Si Mark A. Alvarez ang inatasang mamatnubay sa Boy’s Of Meadows mula kay Jessie B. Guce.
Magsisilbing mga dehado ang tatlo pang entries na So Endearing na papatungan ni J.D. Juco, Brother Song na dadalhin ni J.L. Paano at Take It Or Leave It na patatakbuhin ng apprentice na si O.P. Cortez.
Ipinalalagay rin na angat sa kanilang sinalihang grupo ang apat pang kabayo na kung masisilat ay siguradong magpapalaki ito ng dibidendo sa ating mga exotic bettings.
Sila ay ang Fighter In The Wind na nasa three-year-old maiden division at gagabayan ni Pat Dilema. Ang Love Na Love na pinapatok sa isang handicap-9 at si Fernando M. Raquel Jr. naman ang patong.
Lutang rin sa grupo ang Money talks na igigiya ni J.B. Guce sa isang handicap-8 at pinapaboran rin ng mga tiyempista ang Specialist na ibinigay kay E.G. Reyes Jr. ang renda.
Sa iba pang mga pakarera ay nasisilip na balikatan lang ang mga kalahok.
- Latest