Heat sinilaban ang Mavericks Williams, Clarkson nanguna sa Lakers
MIAMI — Sa naghihintay na 17 laro sa loob ng 31 araw at dalawang brutal na road trips, alam ng Miami Heat kung gaano kahirap ang buwan ng Enero.
Humakot si center Hassan Whiteside ng 25 points at 19 rebounds, habang nagdagdag si Gerald Green ng 19 points mula sa bench para tulungan ang Heat laban sa Dallas Mavericks, 106-82.
Tumipa si Chris Bosh ng 16 points kasunod ang 15 ni Goran Dragic para tapusin ng Heat ang two-game slide.
Binago ng Miami ang kanilang starting lineup bago ang tip-off nang magkaroon si Dwyane Wade ng flu-like symptoms.
Pinaglaro si Wade sa second quarter at tumapos na may 10 points mula sa 5-of-6 fieldgoal shooting.
Nalimitahan ang Dallas sa 10 points sa first quarter na pumigil sa kanilang apat na sunod na ratsada.
Binanderahan ni Zaza Pachulia ang Mavericks sa kanyang 14 points at 13 rebounds.
Nagdagdag si Wesley Matthews ng apat na 3-pointers para sa 12 points at may 11 si Dirk Nowitzki para sa Dallas, nanggaling sa paggitla sa nagdedepensang Golden State Warriors noong Miyerkules.
Sa Los Angeles, kumamada si guard Lou Williams ng 12 sa kanyang 24 points sa fourth quarter laban sa kanyang dating koponan, habang nagdagdag si Fil-American guard Jordan Clarkson ng 19 markers para pangunahan ang Lakers sa 93-84 panalo laban sa Philadelphia 76ers.
Humakot naman si rookie forward Larry Nance Jr. ng season-high 14 rebounds at 8 points para sa Lakers kasabay ng pagdiriwang ng kanyang ika-23 kaarawan.
Nag-ambag si Julius Randle ng 15 markers mula sa bench para sa Los Angeles sa matchup sa pagitan ng dalawang koponang may pinakamasamang record ngayong season.
Nagharap ang Sixers (3-32) at Lakers (7-27) ng apat na beses sa NBA Finals at ang huli ay noong 2001.
Hindi naglaro si Kobe Bryant para sa Lakers kontra sa kanyang hometown team bunga ng sore right shoulder na dating isinailalim sa surgery noong Enero ng 2015 dahil sa torn rotator cuff.
Nagtala si Bryant, magreretiro matapos ang season, ng 17.2 points average sa 29 games para sa Lakers.
- Latest