Mga paborito, nagpasikat
MANILA, Philippines – Nakapagpasikat ang mga paboritong kalahok matapos masopla ng ilang dehado na bumulaga sa harapan ng programa.
Ang natitirang apat na karera na sapat para sa pick four betting options ay puro liyamado ang siyang nagsipagwagi.
Sa unang bahagi ng pick four na Handicap-6, ang unang paboritong Mezzanine na ginabayan ni Kelvin B. Abobo ang siyang nanaig sa pamamagitan ng pagbanderang tapos.
Para siguruhin ang panalo ay ang coupled runner nitong Okatokat na ginabayan naman ni J.A. Guce ang dikit na nasegundo at dikit rin naman na natersero ang second choice na Humble Submission na dinala ni Mark A. Alvares, na una nang na banta na agawin ang trangko sa Messanine.
Sa sumunod na Handicap-7 ay ang unang paborito ring Epic na muling iginiya ni Val Dilema ang siyang nanalo.
Sa penultimate card na isang handicap-5 ay hindi rin nabigo ng unang paboritong Dixie Wind na pinatakbo ni E.G. Reyes Jr na banderang tapos rin ang pagkakapanalo.
Nagsumikap rin na makasilat ang second choice na Yani Noh Yana na nilatigo ni M.A. Alvarez pero second honor lang tinapos nito gayundin ang huling pagpaparemate ng imported runner na Aliyana na sinakyan ni C.S. Pare Jr., na natersero lang din.
Sa ating huling karera ay namartida ang outstanding favorite na Stand In Awe na si J.B. Hernandez ng gumabay.
Sa unang bahagi ng karera ay nasa hulihan ito ngunit pagsungaw sa rekta ay nangunguna na ito matapos lagpasan ang Dowry na inakala rin ng marami na siya nang mananalo.
Kumuha ng ikatlong puwesto ang dehadong Jazz Again na sinakyan ni J.L. Paano pero wala na rin itong puwersa para makasilat pa sa dalawang nauna sa kanya dahil nga sa may kalayuan ang kanyang agwat sa mga ito. At naka-break pa mandin si Hernandez nang tumawid sa meta.
Ang dalawa pang paboritong nanalo sa unahan ng line-up ay itong si Lady Of Diamonds na naipanalo ng isa pang class-D rider na si E.D. Camañero Jr. at nagwagi rin ang naging unang paborito nang si Miss Zizou sa isang handicap-9 nang maungusan niya si Sharpshooter bago ang finish line. (JM)
- Latest