Belo, Tolomia at Pogoy babanderahan ang FEU-Phoenix Petroleum sa D-League
MANILA, Philippines – Sa huling pagkakataon ay tutulungan nina gradutaing players Mac Belo, Mike Tolomia at Roger Pogoy ang kanilang mga Far Eastern University teammates sa kampanya sa darating na PBA D-League.
Kakatawanin ng Tamaraws ang Phoenix Petroleum sa PBA D-League Foundation Cup na bubuksan sa Enero ng susunod na taon.
Ayon kay FEU athletic director Mark Molina, sina Belo, Tolomia, Pogoy at tatlo pang graduating players ang tutulong sa Phoenix Petroleum.
Ang tatlo pang graduating players ng FEU ay sina Russell Escoto, Archie Iñigo at Alfrancis Tamsi.
Idinagdag ni Molina na hindi nila pipigilan ang sinumang FEU player na maglaro sa ibang koponan sa PBA D-League.
“If they have another team who has a better offer, it’s a free country, they can choose if they want to move. Walang problema sa amin ‘yan. But they have already signified their intention to play for Phoenix,” wika ni Molina.
Bukod sa Phoenix Petroleum ay makikipag-ensayo rin si Belo sa Gilas Pilipinas simula sa Enero.
Makakasama ng 6-foot-5 na si Belo sa pakikipag-ensayo sa Gilas Pilipinas ni coach Tab Baldwin sina dating collegiate stars Kiefer Ravena ng Ateneo at Kevin Ferrer ng University of Sto. Tomas.
Inihahanda ni Baldwin ang Nationals para sa 2016 World Olympic Qualifier na magkakasabay na itatakda sa Hulyo para sa nakatayang 2016 Rio Olympic berth
Ipaparada rin ng FEU-Phoenix Petroleum ang iba pang Tamaraws na sina Raymar Jose, Richard Escoto at Ron Dennison.
Bagama’t kasama si Racela sa coaching staff ng FEU-Phoenix Petroleum ay si Eric Gonzales ang tatayong head coach ng koponan sa D-League.
- Latest