Dixie Gold nanguna sa Presidential Gold Cup
MANILA, Philippines – Sorpresang nanalo ang dehadong si Dixie Gold na ginabayan ni Pat Dilema sa ginanap na 43rd Presidential Gold Cup sa San Lazaro Leisure Park kahapon.
Ang maagang bakbakan ng outstanding pick na Low Profile na sinakyan ni Mark A. Alvarez at Malaya na pinatungan ni J.B. Hernandez ang siyang na-ging dahilan kung bakit nakapag-paremate ng prenteng-prente ang panlaban ng negosyanteng si Joseph C. Dyhengco na walang pagsidlan ang tuwa.
Nagpatiuna na antimano ang pinapaborang Low Profile pero binuntutan kaagad siya at sinabayan sa malaking bahagi ng karera sa may 2,000 metro distansiya. Bunga nito ay hindi gaanong nakapagtipid sa ayre si Low Profile na hanggang kurbada na lamang ang natitirang lakas.
Sa rektahan ay dinaanan lang ng Dixie Gold, ang apat na taong kastanyang kabayo na mula sa istalyong Dixie Chatter at inahing Gal’s Gold, ang kinakapos nang Low Profile.
Nakaungos ang isa pang dehadong Kanlaon na nirendahan naman ni Val Dilema para sa ikalawang puwesto. Tersero lang ang Low Profile at pang-apat naman ang Malaya.
Ang panalo ay nangahulugan ng P3-milyong papremyo para sa koneksyon ng Dixie Gold na sina Dyhengco, Anthony Francisco at Dilema. May bonus pang P200,000 breeder’s purse na mapupunta rin kay Dyhengco. Lahat nang iyan ay kaloob ng Philippine Charity Sweepstakes Office.
Nauna rito ay natalo ang pinapaborang panlaban ni Dyhengco sa juvenile championship na Sky Dancer na si Pat Dilema rin ang nagdala. Ang Guatemala ay isang dalawang taong kastanya mula kay Cangoo at Western City ang siyang nagwagi sa naturang karera.
- Latest