Huling NBA season na ni Bryant
LOS ANGELES – Nagdesisyon na si Kobe Bryant na magretiro matapos ang season na tatapos sa kanyang makulay na 20-year career para sa Los Angeles Lakers.
Inihayag ng 37-anyos na si Bryant ang kanyang desisyon sa pamamagitan ng post sa The Players’ Tribune kung saan siya nagsulat ng tulang ‘Dear Basketball.’
“My heart can take the pounding. My mind can handle the grind. But my body knows it’s time to say goodbye,” sabi ni Bryant, ang third-leading scorer sa NBA history. “And that’s OK. I’m ready to let you go. I want you to know now. So we both can savor every moment we have left together. The good and the bad. We have given each other all that we have.”
Mula sa paglalaro sa high school ay dumiretso si Bryant sa Lakers noong 1996 kung saan siya nanalo ng limang NBA championship rings.
Nahirang din siya ng 17 beses sa All-Star sa kanyang dalawang dekadang paglalaro para sa prangkisa na pinakamahaba sa NBA history.
Nakakuha din ang top scorer sa Lakers history ng dalawang Olympic gold medals.
Ngunit maagang natapos ang huling tatlong season ni Bryant dahil sa mga injuries.
Nakita lamang siya sa 41 games sa nakaraang dalawang seasons.
Lubha siyang nahirapan sa una niyang 15 games ngayong season.
Bukod sa career-worst na 32 percent fieldgoal shooting ay may iniinda ding sakit sa katawan si Bryant araw-araw.
Sa pagharap ng Lakers (2-14) sa Indiana Pacers sa Staples Center ay tumanggap ang mga fans ng liham kay Bryant na nasa isang black envelope.
“What you’ve done for me is far greater than anything I’ve done for you,” ani Bryant sa kanyang sulat. “I knew that each minute of each game I wore purple and gold. I honor it as I play today and for the rest of this season. My love for this city, this team and for each of you will never fade. Thank you for this incredible journey.”
Sa mga nakaraang buwan ay sinabi ni Bryant na hindi pa niya alam kung muling maglalaro sa susunod na season.
“Kobe Bryant is one of the greatest players in the history of our game,” ani NBA Commissioner Adam Silver. “Whether competing in the Finals or hoisting jump shots after midnight in an empty gym, Kobe has an unconditional love for the game. I join Kobe’s millions of fans around the world in congratulating him on an outstanding NBA career and thank him for so many thrilling memories.”
Nakipagtambal ang 6-foot-6 na si Bryant kay Shaquille O’Neal para sa korona noong 2000, 2001 at 2002 bago nakipagtuwang kay Pau Gasol para sa titulo noong 2009 at 2010.
Si Bryant ang highest-paid player sa NBA ngayong season sa kanyang $25 million salary na ibinigay ni Lakers owner Jim Buss sa kabila ng kanyang mga injury.
Ang presensya niya sa bawat laro ng Lakers ay garantisadong pinanonood ng mga fans.
- Latest