Talk ‘N Text umangat
MANILA, Philippines – Nang kunin ng Blackwater ang isang six-point lead sa pagbubukas ng third period ay walang nerbiyos na nakita sa Talk ‘N Text.
Bumalikwas ang Tropang Texters sa gitna ng naturang yugto para pabagsakin ang Elite, 109-98 at makasosyo sa ikaapat na puwesto sa 2015 PBA Philippine Cup kagabi sa Smart Araneta Coliseum.
Nakabangon ang Talk ‘N Text mula sa nauna nilang kabiguan sa Meralco kasabay ng pagpapatikim sa Blackwater ng ikatlong sunod nitong kamalasan.
Kumamada si Jayson Castro ng game-high na 26 points, habang nagdagdag ng 17 si rookie Troy Rosario kasunod ang tig-16 nina Larry Fonacier at No. 1 overall pick Moala Tautuaa.
Sinabi ni Tropang Texters coach Jong Uichico na ang depensa ang nagbigay sa kanila ng kalamangan matapos makauna ang Elite.
“Defense is our primary concern whether team or individual, it still has to be worked on,” wika ni Uichico.
Mula sa 56-50 bentahe ng Blackwater sa kaagahan ng third period ay bumangon ang Talk ‘N Text para bitbitin ang 10-point lead, 78-68 sa pagtatapos nito.
Ganap nang ibinaon ng Tropang Texters ang Elite sa pamamagitan ng 94-76 kalamangan buhat sa three-point shot ni Fonacier sa huling 6:35 minuto ng final canto.
Pinamunuan nina JP Erram at Carlo Lastimosa ang Blackwater sa kanilang tig-18 markers, habang may 13 si rookie Arthur Dela Cruz at 11 si Mike Cortez.
- Latest