Lady Troopers inangkin ang unang tiket sa semifinal round
MANILA, Philippines - Sinolo ng Army Lady Troopers ang liderato sa anim na koponang Shakey’s V-League Season 12 Reinforced Conference matapos hiritan ang Navy Lady Sailors ng 25-14, 25-17, 25-14 straight sets win noong Sabado ng gabi sa The Arena sa San Juan City.
Sina Honey Royse Tubino at Jovelyn Gonzaga ay naghatid ng 18 at 15 puntos at nagsanib sila sa 23 kills na kapos lamang ng isa sa kabuuang 24 attack points ng Lady Sailors.
Nagtala pa ng 10 digs si Gonzaga, habang si Sarah Jane Gonzales ang ginamit bilang setter at naghatid siya ng 21 excellent sets.
Ito na ang ikatlong sunod na panalo ng Lady Troopers para pumasok sa semifinals sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s at handog ng PLDT Home Ultera.
Nakapuwesto na sa Final Four ang Army dahil hanggang dalawang panalo na lamang ang pinakamagandang pagtatapos na puwedeng makuha ng Coast Guard Lady Dolphins (1-3) at Kia Forte (0-3).
Natalo ang Navy sa ikalawang pagkakataon matapos ang apat na laro at masasabing wala sa kondisyon ang mga Lady Sailors dahil sa malamyang ipinakita.
Isang block lamang ang nagawa ng Navy sa kabuuan ng laro at wala rin silang service ace.
May 21 errors din ang Lady Sailors, habang ang Lady Troopers ay nagkaroon ng tig-walong blocks at aces.
Si Pau Soriano ay may siyam na puntos para pangunahan ang kabiguan ng Navy.
Kailangan ng Lady Troopers na maipanalo ang kanilang huling laro laban sa PLDT Home Ultera Fast Lady Hitters upang makaiwas sa anumang komplikasyon sa planong pag-abante sa Final Four.
- Latest