Parks nakuha sa NBA D-League
MANILA, Philippines - Matapos magsara ang pintuan ng NBA ay may bintana namang nagbukas para kay Filipino-American cager Bobby Ray Parks, Jr.
Hinugot ang 6-foot-4 na si Parks bilang 25th overall pick ng Texas Legends para sa darating na NBA D-League season.
Ang Legends ay ang koponan ng Dallas Mavericks sa NBA D-League.
Ang dating National University standout ang unang draft pick ng Texas Legends ni coach Nick Van Exel, dating point guard ng Los Angeles Lakers, dahil wala silang first round pick.
Matatandaang hindi nakuha si Parks sa nakaraang 2015 NBA Rookie Draft, ngunit mas piniling manatili sa United States kesa sumalang sa PBA Draft.
Kung makakapagpakita ng maganda ang anak ni seven-time PBA Best Import Bobby Parks sa NBA D-League ay maaaring matupad ang kanyang pangarap na makapaglaro sa NBA.
Ang 23-anyos na si Parks ang ikalawang Filipino player na nakuha sa NBA D-League matapos si Japeth Aguilar ng Barangay Ginebra na napili bilang seventh overall pick ng Santa Cruz Warriors noong 2012.
Bagama’t nakuha sa drafting ay hindi naman napabilang ang 6’8 na si Aguilar sa official line-up ng Santa Cruz Warriors sa NBA D-League regular season.
Naglaro si Parks sa NBA Summer League para sa Mavericks kung saan siya nagposte ng mga averages na 3.0 points at 1.7 rebounds.
Hinugot naman ng Austin Spurs, koponan ng San Antonio Spurs, si dating Lyceum Pirates’ import Jean Victor Nguidjol.
- Latest