Cignal gustong makabawi
MANILA, Philippines – Pipigilan ng Cignal HD Lady Spikers na lumasap ng pangalawang sunod na pagkatalo sa pagharap sa Foton Tornadoes habang ikalawang dikit sa second round ang nais ng Petron Lady Blaze Spikers sa pagpapatuloy ngayon ng 2015 Philippine SuperLiga (PSL) Grand Prix women’s volleyball sa The Arena sa San Juan City.
Kalaro ng Cignal ang Foton Tornadoes sa ganap na ika-4:15 ng hapon at tatangkain nila na bumangon matapos lumasap ng unang pagkatalo sa ligang inor-ganisa ng SportsCore na handog ng Asics at Milo bukod sa suporta ng Mikasa, Senoh at Mueller at napapanood sa TV5.
Natapos ang limang dikit na panalo ng koponan sa kamay ng Petron noong Martes, 25-16,14-25, 25-17, 22-25, 15-13.
Gumawa ng 26 at 20 puntos sina Ariel Usher at Amada Anderson pero mahina ang suporta ng mga locals tungo sa unang talo.
Hindi dapat na maulit ito dahil inspirado na maglalaro ang Tornadoes na tinapos ang first round elimination sa pamamagitan ng 25-14, 25-13, 25-16, tagumpay sa RC Cola-Air Force Raiders.
Tiyak na sasandalan ng Petron Lady Blaze Spikers ang magandang panalo para sungkitin ang ikalimang panalo matapos ang pitong laro laban sa Raiders sa ikalawang laro dakong alas-6:15 ng gabi.
Umaasa ang Lady Blaze Spikers na hindi na magbabago ang lakas ni Rupia Inck na may 26 puntos sa huling asignatura para mas tumibay ang paghahabol na makuha ang unang dalawang puwesto sa elimination round. (AT)
- Latest