HD Lady Spikers gustong makaulit sa Petron
MANILA, Philippines – Pagsisikapan ng Cignal HD Lady Spikers na maulit ang panalo sa nagdedepensang kam-peong Petron Lady Blaze Spikers para pangatawanan ang pagiging team-to-beat sa pagsisimula ng 2015 Philippine SuperLiga (PSL) Grand Prix women’s volleyball second round elimination ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Dakong alas-6:15 ng gabi mapapanood ang sagupaan at kakapit pa sa liderato ang Cignal dahil ikaanim na sunod na panalo ang maililista sa kanilang marka sa ligang inorganisa ng SportsCore na handog ng Asics at Milo at suportado ng Mikasa, Senoh at Mueller na napapanood sa TV5.
Unang laro sa ganap na ika-4:15 ng hapon ay sa pagitan ng Foton Tornadoes at RC Cola-Air Force Raiders na huling laro sa first round.
Ang mananalo ay aakyat sa 2-3 karta at tatapusin ang tatlong sunod na kabiguan na tu-mabon sa kani-kanilang panalo sa unang laro.
Sa pangunguna ni Ariel Usher ay buma-ngon ang Cignal mula sa 0-2 iskor at kinuha ang 18-25, 17-25, 25-16, 25-18, 16-14 panalo sa Petron sa pagsisimula ng liga noong Oktubre 10.
Huling panalo ng koponan ay laban sa Raiders na tumagal lamang sa apat na sets at si Usher ay may conference-high na 36 puntos.
“Masasayang itong 5-0 card namin kung hindi kami makakapasok sa Finals,” wika ni Cignal coach Sammy Acaylar.
May 3-2 karta ang nagdedepensang Petron ngunit tiyak na napag-aralan na nila ang mga dapat gawin para magkaroon ng mas magandang marka sa yugtong ito.
Dahil sa kahalagahan ng mga magaganap na laro, gagamitin na rin sa liga ang video challenge system upang maiwasan ang mga maling tawagan lalo na sa mga mahahalagang tagpo ng mga laro. (AT)
- Latest