Court of Honour nangunguna na
MANILA, Philippines - Sinandalan ng Court of Honour ang pagkapanalo sa Lakambini Stakes race noong nakaraang buwan para agawin na ang liderato sa palakihan ng kita ng mga mahuhusay na kabayo matapos ang buwan ng Setyembre.
Kumabig ang Philracom Triple Crown second leg champion ng P720,000.00 premyo sa pagkapanalo sa stakes race na pinaglabanan para umangat mula sa pangatlong puwesto sa P3,568,788.79. May limang panalo ngayon ang Court OF Honour bukod sa isang segundo at apat na kuwarto puwestong pagtatapos.
Inaasahang magiging mahigpitan ang tagisan para sa Horse of the Year dahil dalawang iba pang kabayo ang may mahigit na tatlong milyong piso na kinita habang pitong iba pa ang humakot na ng mahigit na dalawang milyong kita.
Ang dating nangunguna na Skyway ay bumaba sa ikalawang puwesto sa P3,165,034.41. May limang panalo rin ang nasabing kabayo bukod sa dalawang segundo at isang tersero pagtatapos.
Ang first leg Triple Crown champion na Superv ay pahinga pa rin pero nasa ikatlong puwesto pa ngayon sa P3,003,949.69 (4-2-3-0).
Mula sa ikalimang puwesto noong Agosto ay nasa ikaapat na ang Low Profile habang ang Sky Hook ang nasa ikalimang puwesto.
Dalawang panalo ang nakuha ng Low Profile para magkaroon na ng siyam na panalo at apat na segundong pagtatapos tungo sa P2,830,220.99 habang ang Sky Hook ay umangat din mula sa ikapitong puwesto sa nakuhang P2,652,918.96 sa apat na panalo at dalawang tersero puwesto.
Pasok sa talaan ang mahusay na two-year old horse na Spectrum na nasa ikaanim na puwesto tangan ang P2,450,000.00 mula sa tatlong stakes win .
- Latest