RC Cola masisilayan na; Foton tangkang makisosyo
MANILA, Philippines – Masisilayan ngayon ang lakas ng nagbabalik na RC Cola-Air Force Raiders habang pangalawang dikit na panalo ang pag-aagawan ng Petron Lady Blaze Spikers at Foton Tornadoes sa 2015 Philippine SuperLiga (PSL) Grand Prix women’s volleyball sa The Arena sa San Juan City.
Pangungunahan ng Puerto Rico national team member na sina Lynda Morales at Sarah Mc Clinton, handa ang Raiders na buksan ang kampanya sa pamamagitan ng panalo laban sa Meralco Power Spikers.
Ang laro ay magsisimula sa ganap na ika-4:15 ng hapon at hindi rin matatawaran ang galing ng mga locals sa pangunguna nina Rhea Dimaculangan, Maika Ortiz, Judy Ann Caballejo at team captain Wendy Semana.
Nais naman ng Power Spikers na wakasan ang dalawang dikit na kabiguan upang pag-initin ang kampanya sa ligang inorganisa ng SportsCore at handog ng Asics, Milo at suportado ng Mikasa, Senoh at Mueller.
Ang pangalawang laro dakong alas-6:15 ng hapon ay sa pagitan ng Petron at Foton na magiging maaksyon dahil parehong galing sa magandang panalo ang magkabilang koponan.
Naipakita ni Rupia Inck ang galing para tulungan ang nagdedepensang kampeon na makabangon mula sa pagkatalo sa Cignal HD Lady Spikers sa 25-15, 25-14, 25-19 panalo sa Meralco noong Martes.
“Unti-unti ay bumabalik na ang dating laro ng team,” wika ni Petron coach George Pascua.
Dapat na manatili ang tikas ng mga inaasahang manlalaro ng Petron dahil determinado ang Tornadoes na magtagumpay uli upang masaluhan ang Cignal na may 2-0 baraha.
Sa ikalawang sunod na laro ay umabot sa limang sets ang laban ng HD Lady Spikers bago kinuha ang 15-25, 25-15,25-17,19-25,16-14 panalo laban sa Philips Gold noong Martes. (AT)
- Latest