Collison, Cousins nagbida sa panalo ng Kings sa Blazers
SACRAMENTO, California — Kumamada si Darren Collison ng 18 points, habang may 16 si DeMarcus Cousins para tulungan ang Sacramento Kings sa 94-90 preseason victory laban sa Portland Trail Blazers.
Nagsalpak ang Kings ng 12 sunod na puntos sa fourth quarter at hindi pinaiskor ang Trail Blazers sa loob ng limang minuto para kunin ang 91-84 abante.
Tumapos naman si Marco Bellinelli na may 11 points kasunod ang 10 ni Omri Casspi.
Tumipa si CJ McCollum ng limang three-pointers at humugot ng 19 sa kanyang 30 points sa third quarter sa panig ng Portland, dalawang beses natalo sa Sacramento sa nakaraang anim na araw.
Nagdagdag si Allen Crabbe ng 13 points at may 12 si Al-Farouq Aminu para sa Trail Blazers.
Naglaro ang Portland nang wala si all-star point guard Damian Lillard na may sprained left ankle injury.
Walang laro na iniupo si Lillard sa regular season sa tatlong taon niya sa liga.
Sa Milwaukee, umiskor si Marcus Morris ng 17 sa kanyang 21 points sa first half para pangunahan ang Detroit Pistons sa 117-88 panalo kontra sa Bucks.
Ginamit ng Pistons ang isang 18-4 atake para kunin ang kalamangan sa first quarter at hindi na nilingon pa ang Bucks.
Sa Winnepeg, Manitoba, nagsalansan si E’Twaun Moore ng 18 points para ihatid ang Chicago Bulls sa 114-105 panalo laban sa Minnesota Timberwolves.
Nalimitahan naman ang Canadian na si 2015 NBA Rookie of the Year Andrew Wiggins sa 9 points sa loob ng 24 minuto para sa Timberwolves.
- Latest