UP binalikan ang Navy
Laro Ngayon (The Arena, San Juan)
12:45 p.m.- Coast Guard vs PLDT Home Ultera
3 p.m.- Kia Forte vs Navy
MANILA, Philippines – Nagbabalik si Katherine Bersola matapos magkaroon ng ACL (anterior cruciate ligament) injury sa isang UAAP game noong Enero.
Sa kanyang unang laro ay kumamada si Bersola ng 8 hits at 4 blocks para tampukan ang come-from-behind 19-25, 25-23, 25-23, 25-23 win ng University of the Philippines laban sa Philippine Navy sa pagbubukas ng Shakey’s V-League Season 12-Reinforced Conference kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Si Bersola ay sinuportahan nina Maria Lina Isabel Molde, Nicole Anne Tiamzon at Marian Alisa Buitre na humataw ng 17, 14 at 10 points, ayon sa pagkakasunod.
Matapos kunin ang first set ay itinala ng Lady Sailors ang 18-12 bentahe sa second frame.
Subalit nakabawi ang Lady Maroons para itabla ang laro sa 1-1 patungo sa pananaig sa sumunod pang dalawang set.
Samantala, tinalo ng Air Force ang Instituto Estetico Manila, 25-19, 25-27, 25-21, 25-20, sa Spikers’ Turf.
Sisimulan naman ng PLDT Home Ultera ang kanilang pagtatanggol sa kanilang titulo sa pagsagupa sa Coast Guard ngayong alas-12:45 ng tanghali.
Itatampok ng Ultrafast Lady Spikers sina Collegiate Conference at UAAP MVP Alyssa Valdez, 2014 Reinforced Conference MVP Aiza Maizo-Pontillas, NCAA MVP Gretchel Soltones, Rubie de Leon, Jem Ferrer, Suzanne Roces, Gata Pantone, Charo Soriano at Jannine Marciano at gagabayan ni coach Roger Gorayeb laban sa Lady Coast Guards.
Sa alas-3 ng hapon ay maghaharap naman ang Army at ang baguhang Kia Forte.
Sina Aby Maraño, Dindin Santiago-Manabat, Rachel Anne Daquis, Jovelyn Gonzaga, Tina Salak, Mary Jean Balse at Honey Royse Tubino ang mangunguna para sa Lady Troopers.
- Latest



















