Petron Lady Blaze Spikers ‘di puwedeng magkumpiyansa
Laro NGAYON
(Alonte Sports Arena0
12 p.m. – Opening
Ceremonies
1 p.m. – Petron vs Cignal
3 p.m. – Meralco vs Foton
MANILA, Philippines - Isang bagay na inaalala ni Petron Lady Blaze Spikers coach George Pascua ay ang makaramdam ng kumpiyansa ang kanyang mga manlalaro sa gaganaping 2015 Philippine SuperLiga (PSL) Grand Prix na magbubukas nga-yon sa Alonte Sports Arena sa Biñan, Laguna.
“Kumpleto kami sa lahat ng puwesto kaya nasa amin talaga kung ano ang gusto naming mangyari sa liga. Hindi ko alam ang kanilang mindset kapag nasa loob na ng court at sana ay susunod pa rin sila sa aming game plan,” wika ni Pascua.
Sa ganap na ika-1 ng hapon ay sisimulan ng Lady Blaze Spikers ang paghahabol ng ikalawang sunod na Grand Prix title at pangatlo sa ligang inorganisa ng SportsCore sa pagharap laban sa Cignal HD Lady Spikers.
Isang makulay na opening ceremony ang gagawin sa ganap na ika-12 ng tanghali at panau-hing pandangal si FIVB executive council member Stav Jacobi bukod kay Biñan Mayor Len Alonte at PSL president Ramon “Tats” Suzara.
Napagharian din ng Petron ang All-Filipino Conference nang hindi matalo sa 13 laro at ang mga manlalarong nagtulung-tulong sa makasaysayang pagtatapos tulad nina Dindin Manabat, Rachel Anne Daquis at Aby Maraño ay nasa koponan pa.
Ibinalik din ang mahusay na Brazilian setter na si Erica Adachi para itambal sa isa pang Brazilian na si Rupia Inck Furtado na nakasama rin ng koponan noong naglaro sa Asian Women’s Club Championship sa Vietnam.
Ipamamalas din ng Meralco Power Spikers ang kanilang bangis kontra sa Foton Tornadoes dakong alas-3 ng hapon.
Magbabalik sina Cha Cruz at Stephanie Mercado sa Meralco na pinalakas ng pagpasok ng mga manlalaro ng La Salle Lady Archers sa UAAP.
- Latest