Walang pahinga si Abueva
MANILA, Philippines - Mula sa 2015 FIBA Asia Championship sa Changsha, China ay makakasama naman ni Calvin Abueva sina Troy Rosario, Vic Manuel at Karl Dehesa sa pagsabak sa FIBA 3X3 World Tour Final sa Abu Dhabi sa susunod na linggo.
Nagmula si Abueva sa pagtulong sa Gilas Pilipinas sa FIBA Asia event kung saan tumayong reserve si Rosario.
Sinabi ni Alaska coach Alex Compton na inaprubahan nila ang partisipasyon nina Abueva at Manuel sa Abu Dhabi Finals na kanilang na-ging premyo matapos pumangalawa sa nagkampeong Novi Sad sa Manila leg ng torneo noong Agosto.
Inaasahang mahihirapan sina Abueva, Manuel, Rosario at Dehesa dahil sasabak rin sa FIBA 3X3 World Tour Finals ang mga koponan ng United States, Brazil, Lithuania, Slovenia, Poland, Qatar at United Arab Emirates.
Sa katunayan ay No. 12 ang Manila North sa 12-team field.
Ang Manila North ay kasama sa grupo ng Doha, Qatar at Kranj, Slovenia sa Pool D.
Para makapasok sa knockout stage ay kailangang makuha ng mga Filipino ang first o second place sa kanilang grupo.
Noong nakaraang taon ay nagkampeon ang Manila West team nina Terrence Romeo, KG Canaleta, Aldrech Ramos at Rey Guevarra sa Manila Masters para makalaro sa final tournament sa Tokyo.
Sinibak ng Manila North ang Manila West sa semifinals sa 2015 Manila tourney.
- Latest