FEU sinolo ang liderato
MANILA, Philippines – Nakita uli ang lakas ng opensa ng FEU Tamaraws nang angkinin ang 92-81 come-from-behind panalo laban sa UE Warriors at pansamantalang solohin ang unang puwesto sa 78th UAAP men’s basketball kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Dominado ng Warriors ang unang tatlong quarters at nagdiriwang ang kanilang mga panatiko dahil angat sila ng 12, 71-59 papasok sa huling 10 minuto ng labanan dahil sa 3-pointer ni Clark Derige.
Ngunit binuhay nina Mark Belo, Michael Tolomia at Alejandrino Inigo ang kanilang opensa para mailista ang ikaapat na panalo sa limang laro.
Si Belo ay mayroong 11 puntos sa huling yugto na kinatampukan ng dalawang triples, habang sina Tolomia at Inigo ay may tig-isang tres at para maisulong ang 33-10 palitan.
“We played poor defense in the first three quarters. We can’t rely on late runs dahil dangerous ‘yan. We need to play defense consistently for 40 minutes,” wika ni FEU coach Nash Racela.
Tumatag din ang kanilang depensa sa huling yugto pero grabe ang kanilang opensa at ang unang tres sa yugto ni Belo ang nagpatabla sa laro sa 75-all bago ang kanyang tip-in ang tuluyang nagbigay ng kalamangan.
Ang ikalawang triple ni Belo ang tumapos sa pamatay na 18-0 bomba para hawakan ng tropa ni coach Nash Racela ang 88-75 bentahe.
Gumawa si Belo ng 24 puntos bukod sa 8 rebounds, 5 assists at 2 blocks habang sina Tolomia ay mayroong 15. May career high na 14 puntos si Monbert Arong, si Raymar Jose ay may double-double na 13 puntos at 11 rebounds at si Roger Pogoy ay may 10 pa tungo sa balanseng pag-atake.
Si Edison Batiller ay tumapos taglay ang 18 puntos ngunit hindi na siya nakaiskor sa huling yugto nang sumablay ang apat na attempts para lasapin ng Warriors ang ikalawang dikit na pagkatalo tungo sa 2-3 baraha.
Sa ikalawang laro, kinuha ng nagdedepensang kampeon National University Bulldogs ang pangalawang dikit na tagumpay sa pamamagitan ng 75-54 panalo sa Adamson Falcons sa ikalawang laro.
Napababa ng Falcons ang bentahe sa lima, 33-28 sa halftime pero muling nagbaga ang panimula ng Bulldogs sa ikatlong yugto para angkinin na ang 17 puntos kalamangan, 52-35.
Lumobo pa ang bentahe sa 22, 64-42 sa 10-0 atake na pinasiklab ni Ralph Tansingco para manatiling walang panalo pa ang Falcons sa limang laro. (AT)
- Latest