Arum may listahan na ng maaaring labanan ni Pacquiao
MANILA, Philippines – May inilatag na si Bob Arum ng Top Rank Promotions na mga potensyal na makakalaban ni Manny Pacquiao sa susunod na taon.
Sa isang panayam, sinabi ni Arum na tanging sina Pacquiao at chief trainer Freddie Roach ang nag-uusap tungkol sa kanilang gustong labanan.
“Manny, and I guess after consulting with Freddie, will pick the opponent that they want to fight,” wika ni Arum.
Nagmula ang 36-anyos na si Pacquiao (57-6-2, 38 KOs) sa unanimous decision loss kay Floyd Mayweather, Jr. (49-0-0, 26 KOs) noong Mayo 2 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.
Inaasahang muling aakyat ng boxing ring ang Filipino boxing superstar sa Abril ng 2016 matapos ang surgery sa kanyang right shoulder injury noong Mayo 7.
Ilan sa mga binanggit ni Arum na maaaring makatapat ni ‘Pacman’ ay sina Amir Khan (31-3-0, 19 KOs), Kell Brook (36-0-0, 24 KOs), Terence Crawford (26-0-0, 18 KOs), Lucas Matthysse (37-3-0, 34 KOs) at Juan Manuel Marquez (56-7-1, 40 KOs).
Mas gusto naman ni Roach na labanan ni Pacquiao si Danny Garcia (31-0-0, 18 KOs).
Itataya ni Brook ang kanyang IBF welterweight belt kontra kay Diego Chaves sa Oktubre, habang idedepensa ni Crawford ang kanyang WBO crown laban kay Dierry Jean at makakasagupa naman ni Matthysse si Victor Postol para sa bakanteng WBC crown.
Wala pang desisyon ang 43-anyos na si Marquez kung magbabalik sa aksyon matapos talunin si Mike Alvarado noong Mayo ng 2014.
Matatandaang pinatulog ni Marquez si Pacquiao sa sixth round sa kanilang ikaapat na paghaharap noong Disyembre ng 2012.
- Latest