Biado, Kiamco pasok sa Last 32
MANILA, Philippines – Kinalos nina Carlo Biado at Warren Kiamco ang mga kababayang sina Lee Van Corteza at Raymund Faraon para makapasok na sa Last 32 sa pagsisimula kahapon ng Knockout round sa 2015 World 9-ball Championship sa Al Arabi Sports Club sa Doha, Qatar.
Race-to-11 at alternate break ang format sa Last 64 at nasa magandang kon-disyon ang dating World number one player na si Biado nang angkinin ang 11-5 panalo kay Corteza para itakda ang pagtutuos nila ng dating World Junior champion na si Ko Pin-yi ng Chinese Taipei na nagwagi kay Justin Campbell ng Australia, 11-7.
Kinailangan naman ni Kiamco na magpakatatag nang magsikap buma-ngon si Faraon mula sa four-racks bentahe tungo sa 11-9 tagumpay.
Katunggali sa Last 32 ni Kiamco si Jalal Yousef ng Venezuela na pinagpahinga si Zhou Long ng China, 11-10.
Limang iba pang Pinoy billiards players mula sa siyam na nakalusot sa Group eliminations ang magtatangka na umabante laban sa mga dayuhang katunggali kagabi.
Ang kasalukuyang World 8-ball champion at SEA Games gold medalist na si Dennis Orcollo ay haharap sa pambato ng host Qatar na si Mishel Turkey na siyang dumisgrasya kay Daryl Peach ng England.
Ang dating Doha Asian Games gold medalist na si Antonio Gabica ay kalaro si Ruslan Chinakhov ng Russia; si Johann Chua ay katumbukan si Yukio Aka-gariyama ng Japan; si Oliver Medenilla ay katunggali si Karol Sikowerski ng Poland habang si Jeffrey Ignacio ay haharap kay Jason Klatt ng Canada.
Magpapatuloy ang aksyon ngayon at isasagawa ang Last 32, Last 16 at Last 8 at bukas ay matutunghayan ang semifinals at finals. (AT)
- Latest