Wala pang desisyon si Manny
MANILA, Philippines – Kamakailan ay sinabi ni promoter Bob Arum na isang laban na lamang ang gagawin ni Manny Pacquiao at tuluyan na itong magreretiro para sumabak sa Senatorial race sa darating na national elections.
Ngunit ayon sa Filipino world eight-division champion, wala pa siyang desis-yon tungkol sa kanyang boxing at political career.
“Wala pa. Wala pa akong desisyon. Ia-announce ko kapag magreretiro na ako,” wika ng Sarangani Congressman sa isang panayam sa kanya sa General Santos City.
Sa kanyang pahayag kamakailan ay sinabi ni Arum ng Top Rank Promotions na balak ni Pacquiao na sumalang sa Senatorial race kaya isang laban na lamang ang kanyang gagawin kasunod ang pagreretiro.
Sinabi ng 36-anyos na si Pacquiao na hindi pa sila nagkakausap ni Arum tungkol sa kanyang mga plano sa susunod na taon.
Nauna na ring sinabi ni Floyd Mayweather, Jr., tumalo kay Pacquiao noong Mayo 2, na hu-ling laban niya ang pagsagupa kay Andre Berto sa Setyembre 12.
Bago mangyari ang sinasabing pagreretiro nina Pacquiao at Mayweather ay umaasa si Arum na magkakaroon ng rematch ang dalawang pinakapopular na boksingero sa buong mundo.
“From what I’ve heard, Mayweather is retiring,” sabi ni Arum. “I guess they could fight again, but many things would have to happen.”
Hanggang ngayon ay wala pang opisyal na pahayag si Arum tungkol sa susunod na lalabanan ni Pacquiao (57-6-2, 38 KOs) matapos mabigo kay Mayweather (48-0-0, 26 KOs) via unanimous decision.
Lalabanan ni Mayweather si Berto (30-3-0, 23 KOs) sa Setyembre 12 sa MGM Grand na huling laban na raw niya. (RC)
- Latest