EAC pasok sa Final 4; DLSU, NCBA playoff
MANILA, Philippines – Gumawa ang leading scorer na si Howard Mojica ng 35 puntos para kunin ng Emilio Aguinaldo College Generals ang ikatlong upuan sa Final Four sa pamamagitan ng 25-23, 23-25, 25-20, 26-24 panalo sa La Salle Archers sa pagtatapos ng quarterfinals ng Spikers’ Turf Collegiate Conference kahapon sa The Arena sa San Juan City.
May 28 kills si Mojica sa laro para akuin ang kalahati sa 56 kills na ginawa ng Generals habang may limang aces pa siya para tapatan ang kabuuang serve points na nakuha ng La Salle.
Bumutata pa si Mojica ng dalawa para magtabla ang NCAA champion Generals at Archers sa block points, 6-6 upang wakasan ng EAC ang quarterfinals bitbit ang 4-3 baraha.
Makakalaban nila sa best-of-three semifinals ang pumangalawang National University Bulldogs.
Hindi pa naman agad na nasibak ang La Salle sa ligang inorganisa ng Sports Vision at handog ng PLDT Home Ultera dahil nakapanilat ang UP Maroons sa NCBA Wildcats, 25-21, 22-25, 25-19, 23-25, 15-11 sa ikala-wang laro.
Sina Alfred Gerard Valbuena, Wendel Miguel at Julius Evan Raymundo ang nagtulong nang pakawalan ng Maroons ang 5-1 palitan matapos hawakan ng NCBA ang 10-9 bentahe upang magkaroon ng disenteng pagtatapos ng State University.
Masakit na kabiguan ito sa Wildcats dahil kailangan lamang sana nila na manalo rito para umabante sa semifinals at makaharap ang number one team na Ateneo Blue Eagles.
Pero kailangan nilang bumalik sa Lunes para harapin sa isang knockout game ang La Salle para sa huling tiket sa semifinals.
Tumapos si Valbuena bitbit ang 26 puntos habang sina John Mark Millete, Miguel at Raymundo ay mayroong 13, 12, 10 puntos para sa UP na tinapos ang laban sa 2-5 marka. (AT)
- Latest