San Beda tangka ang solo liderato
MANILA, Philippines – Tatlong koponan na mainitang naghahabol ng puwesto sa susunod na round ang sasalang sa aksyon sa 91st NCAA men’s basketball ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Pupuntiryahin ng 5-time defending champion San Beda Red Lions ang pansamantalang pagsosolo sa unang puwesto sa pagharap sa Jose Rizal University Heavy Bombers na mapapanood matapos ang tagisan ng host Mapua Cardinals at San Sebastian Stags sa ganap na ika-2 ng hapon.
Magkasalo sa liderato ngayon ang San Beda at pahingang Letran Knights sa 9-2 karta habang ang Jose Rizal University ay nasa ikalimang puwesto sa 6-4 karta at kasunod nito ay ang host Cardinals sa 5-5 baraha.
Dalawang dikit na panalo ang naiposte ng tropa ni coach Jamike Jarin sa second round laban sa Emilio Aguinaldo College Generals (96-84) at St. Benilde Blazers (89-63).
Patuloy ang magandang ipinakikita ni Arthur dela Cruz pero kapansin-pansin din ang pag-angat ng laro ng ibang kakampi para ipakita na handa na uli ang Red Lions na maidepensa ang titulong hawak sa huling limang taon ng liga.
“Everybody’s playing well. We just have to be prepared and stay healthy,” ani Jarin.
Ang Heavy Bombers ay galing sa kontrobersyal na 114-112 double-overtime panalo sa Arellano Chiefs.
May momentum man ay hanap ni coach Vergel Meneses ang consistency mula sa kanyang mga manlalaro lalo pa’t panalo-talo ang kanilang karta sa huling limang laro.
Sasandalan naman ng Cardinals ang magarang 70-65 panalo na naiposte sa matibay na koponan ng Perpetual Help Altas para masungkit ang ikaanim na panalo matapos ang 11 laro. (AT)
- Latest