Weightlifter Diaz may misyon sa Asian Championships
MANILA, Philippines – Kailangang makabuhat si Hidilyn Diaz ng 217-kilograms sa gaganaping Asian Weightlifting Championships sa Thailand sa susunod na buwan para patuloy siyang suportahan ng POC at PSC sa hangaring makalahok sa Rio Olympics.
Si Diaz ay sasamahan ni Nestor Colonia sa nasabing Asian meet at tulad ng una, si Colonia ay may toka rin na 280kg sa men’s 56-kilogram class.
Sa 53kg division sasali ang beterana ng Beijing at London Olympics na si Diaz at inaasahang wala siyang magiging problema na maabot ang itinokang marka dahil bumuhat na siya ng 213kg nang manalo sa 1st South East Asian Weightlifting Championships sa Phuket, Thailand kamakailan.
“Sinuportahan ng POC ang rekomendasyon na sila ay isama sa mga susuportahan at nagpalabas na nga ng supplemental budget ang PSC na nagkakahalaga ng P28,336.00 para sa Thailand event. Pero may requirements na isinama para magpatuloy ang suporta sa kanila,” wika ni cluster head Romy Magat.
Sa dalawang lifters ay si Colonia ang masasabing kailangang magdoble kayod dahil ang best lift niya ay nasa 265kg.
Matapos ang Asian Championships ay nagbabalak sina Diaz at Colonia na sumali pa sa World Championships sa Houston, Texas sa Oktubre at ito ay isang Olympic qualifying event.
Sa ngayon ay puspusan ang pagsasanay ng da-lawa sa ilalim ng pangangasiwa ni coach Alfonsito Aldanete at weightlifting association vice president Elbert Atilano para maabot nila ang mga marka.
Kung mabigo sina Diaz at Colonia na makuha ito ay kailangan nilang maghanap ng sariling sponsors para magpatuloy ang pangarap na makasali sa Rio Games. (AT)
- Latest