Ateneo inangkin ang unang semis seat
MANILA, Philippines – Sinikwat ng Ateneo Lady Eagles ang unang semifinals ticket, habang nakatiyak ng playoff ang UST Tigresses nang magsipagwagi sa quarterfinal round ng Shakey’s V-League Season 12 Collegiate Conferenc kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Bangis sa pag-atake ang ipinakita ng Lady Eagles para kunin ang 25-14, 25-17, 25-19 straight sets win laban sa Arellano Lady Chiefs para sa 5-0 baraha.
Humataw si Alyssa Valdez ng 20 puntos, kasama rito ang 19 attack points na mas mataas ng dalawa sa 17 kabuuan na ginawa ng Arellano.
Sumuporta naman si Amy Ahomiro sa kanyang walong kills, 3 blocks at 2 aces para sa 13 puntos, habang ang setter na si Gizelle Tan ay may 24 excellent sets upang ipuwesto ang UAAP champions sa Final Four.
Bumagsak ang NCAA champions na Arellano sa 2-3 baraha at walang Lady Chiefs ang nasa double-digits.
Si Danna Henson ang nanguna sa Arellano sa kanyang limang puntos.
Sinolo naman ng UST ang ikalawang puwesto sa 4-1 karta sa mahirap na 18-25, 25-17, 25-23, 17-25, 15-9 panalo sa UP Lady Maroons.
May 15 puntos si Ennajie Laure, ang nagbabalik na si Carmela Tunay ay may 13 at si Marivic Meneses ay may 10 puntos at ang tatlo ang nagtulung-tulong sa fifth set upang mapalambot ang naunang matikas na Lady Maroons.
“Bumaba ang game namin sa fourth set dahil nag-relax kami. Pero bumawi kami sa fifth set,” wika ni Laure na may 12 kills at 3 blocks.
Inakalang tangan ng Lady Maroons ang momentum nang talunin ang Tigresses sa fourth set, nawala sa konsentrasyon ang UP nang umarangkada ang UST sa 5-1 karta sa race-to-15 fifth set. (AT)
- Latest