Pagara umiskor ng KO win sa 1st round
DUBAI – Halos dalawang minuto lamang ang kinailangan ni undefeated Filipino boxer Albert ‘Prince’ Pagara para pabagsakin si Mexican Jesus Rios sa first round noong Biyernes ng gabi dito sa Dubai World Trade Center.
“Nung pumasok ‘yung hook, sabi ko, ‘Ay groge agad.’ Kaya tinuluyan ko na,” sabi ng 21-anyos na si Pagara (24-0-0, 17 KOs)na naidepensa ang suot na IBF Inter-Continental super bantamweight title.
Matapos makabangon mula sa unang pagkakatumba ay hindi na nakatayo si Rios (31-8-1, 25 KOs) mula sa magkakasunod na rapido ni Pagara.
Itinigil ni referee Bruce McTavish ang laban nang hindi na makabangon ang Mexican na kinabitan ng oxygen mask.
Sinabi ng kanyang promoter na si Michael Aldeguer na pamumunuan ni Pagara ang unang Pinoy Pride boxing card sa United States sa Oct. 17 sa StubHub Center.
“Yes, he will be there with (featherweight) Mark Magsayo. It’s time to bring Albert to the United States,” wika ni Aldeguer kay Pagara.
Si Magsayo ay may bitbit na 11-0 win-loss record kasama ang 9 KOs.
Umiskor naman si Jason Pagara ng 8th round technical decision win laban kay Ramiro Alcaraz.
- Latest


















