NoviSad, Manila North pasok sa World 3-on-3
MANILA, Philippines - Ipinakita ng NoviSad AlWahda ng United Arab Emirates kung bakit sila ang world champion sa 3-on-3 nang talunin ang Manila North, 21-14 sa finals ng 2015 FIBA 3x3 World Tour Manila Masters na nagtapos kahapon sa Robinson’s Place sa Ermita, Manila.
Mabangis ang kamay ni Dejan Majstorovic na kumunekta ng tatlong malalayong buslo habang pinagbayad din ng koponan ang pisikal na depensa ng local team na binuo nina Calvin Abueva, Vic Manuel, Troy Rosario at Karl Dehesa sa ginawang 11-of-15 shooting sa free throw line.
Lumabas na hindi natalo ang UAE team matapos ang limang laro para makapuwesto na sa World Tour Finals sa Abu Dhabi sa Oktubre 15 at 16.
Naibulsa rin nila ang$10,000 premyo.
Hindi naman masakit na tanggapin ang kabiguang ito dahil ang grupo ni Abueva ay umabante rin sa World Finals.
Nakuha ito ng Manila North nang sibakin ang nagdedepensang kampeon Manila East nina Terrence Romeo, KG Canaleta, Rey Guevarra at Aldrech Ramos sa semifinals, 21-18.
Pinosasan ng depensa ni Karl Dehesa si Romeo habang si Calvin Abueva ay mayroong 10 puntos. Pero ang nagbigay ng panalo sa Manila North ay ang magandang pasa ni Troy Rosario kay Vic Manuel tungo sa reversed shot para sa ika-21 puntos ng koponan.
“Hindi naging madali pero maliliit sila kaya doon kami nakalamang. Nalimitahan namin ang shooter nila,” wika ni Abueva na nakapasok sa Finals sa unang pagkakataon sa dalawang pagsali sa ligang pag-aari ng FIBA na inorganisa ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) at may suporta ng Smart, PLDT, Maynilad, MVP Sports Foundation at Wilson.
“Naging pakonsuwelo nina Romeo at Guevarra ang pagkapanalo sa mga side events na 3-point shootout sa slam dunk contest habang si Romeo ang ginawaran din ng MVP award.
- Latest