Walang Kobe Paras ngayon sa FIBA 3-on-3 Manila Masters
MANILA, Philippines - Hindi makakarating si Kobe Paras sa gaganaping FIBA 3x3 World Tour Manila Masters ngayong Sabado at Linggo sa Robinson’s Place Manila.
Ayon kay SBP executive director Sonny Barrios, hindi pinahintulutan si Paras ng kanyang US coach na umuwi sa bansa at sa halip ay pinapunta siya sa Adidas All-American Camp sa Long Island, New York.
“Nakausap ko ang ama ni Kobe na si Benjie and unfortunately, ang coach ni Kobe sa States would rather have him attend the Adidas training camp. Wala ta-yong magawa roon kasi we’ll go by the direction of the US coach kay Kobe,” wika ni Barrios.
Mismong ang FIBA ang nagnais na papuntahin si Kobe at sumali sana sa side event na slam dunk dahil ang player na nakatakdang maglaro sa UCLA ay siyang kinilala bilang slam dunk king sa ikalawang sunod na pagkakataon sa FIBA 3-on-3 Under-18.
“It’s unfortunate because we were looking forward for Kobe to play here. We tried as hard as we have done pero sabi nga ni Benjie mahirap suwayin ang gusto ng US coach at baka makaapekto pa sa bata,” dagdag ng SBP official.
Umaasa pa rin si Barrios na susuportahan ng mga mahihilig sa basketball ang dalawang araw na kompetisyon lalo na ang tatlong local teams ang magdadala ng laban ng bansa.
Sina PBA players Terrence Romeo, Rey Guevarra, KG Canaleta at Aldrech Ramos ay magsasama uli at magtatangka na maidepensa ang hawak na titulo habang sina Calvin Abueva, Vic Manuel, Karl Dehesa at 6’7 dating NU center at national player Troy Rosario ang bubuo sa isa pang koponan.
Ang pangatlong koponan ay kakatawanin nina Carlo Cesar Ortega, Jaur Edrel Igna, Lucky Ecarma at Errol Pastor ng Pura, Cebu na kampeon sa SBP-Talk N’Text U18 Tatluhan National Finals.
“Sana ay punuin natin ang venue at suportahan ang tatlong teams natin lalo pa’t nag-beef up ang mga kalaban para maagaw ang title,” wika pa ni Barrios.
Siyam na dayuhan ang bubuo sa 12 magtatagisang koponan at mangunguna rito ang Novi Sad Al Whada ng United Arab Emirates na siyang itinanghal na kampeon sa finals noong nakaraang taon. (AT)
- Latest