Masangkay nagtala ng record sa World Powerlifting Championships
MANILA, Philippines – Tatlong ginto at tatlong bagong records ang naitala ni Joan Masangkay para patingkarin ang pagsali niya sa Asian Powerlifting Championships na ginawa sa Queen Elizabeth Stadium sa Hong Kong kamakailan.
Ang 4’10” lifter na may timbang na 43-kilogram at ginagabayan ni Cirilo Dayao ay sumali sa Sub-Junior division at nakapagtala siya ng ginto at records sa squat sa 100kg, deadlift na 105kg at total na 255kg.
Nagmarka si Masangkay ng 50kg sa bench press para sa pilak na medalya upang mailinya ang sarili sa mga maglalaro para sa Pilipinas sa gaganaping 15th Sub-Junior and 33rd Junior World Powerlifting Championships sa Praque, Czech Republic mula Agosto 31 hanggang Setyembre 6.
Binura ng pinakabatang manlalaro sa dele-gasyong isinali ng Powerlifting Association of the Philippines ang record ni Darry Ann Ancuelo ng Pilipinas sa squat na 80kg. at total na 205kg. Ang dating marka sa deadlift ay hawak ni Shimizu Yurina ng Japan sa 95kg.
May mga isinali rin ang bansa sa ibang dibisyon na kuminang din para magkaroon ang delegasyon ng kabuuang 34 ginto, 44 pilak at tatlong bronze medals.
Sina Preetiz Bernal Abngulo ( women 72kg junior squad) at Raymond Debuque (men’s 120+kg junior), ay nanalo ng tig-apat na ginto habang sina Regie Ramirez (men’s Open division) at Anita Koykka (women’s 57kg master division) ay may tig-tatlong ginto para pagningningin ang pagsali ng Pilipinas.
Sa pagtutulungan nina Masangkay, Ab-ngulo at Koykka ay kinilala ang bansa bilang pinakamahusay na koponan sa torneo.
Si Ramon Debuque ang pangulo ng PAP ang nanguna sa pagbuo at pagpapadala sa delegasyon na kinabibilangan nina Eddie Torres, Allan Paje, Leslie Evangelista, Ma. Betina Bordeos, Tony Koykka, Aspi Calagopi at John Reginald Santos. (AT)
- Latest