FEU nakinabang sa panalo ng UST
MANILA, Philippines – Nakabalik agad ang UP Lady Maroons mula sa pagkatalo sa first set sa pamamagitan ng 24-26, 25-19, 25-19, 25-20, tagumpay sa University of Batangas Mighty Brahmans sa Shakey’s V-League Season 12 Collegiate Conference elimination kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Sinikap ng Lady Maroons na pahabain ang mga palitan bago hatawin ang bola laban sa hindi nakahandang depensa ng katunggali upang makuha ang ikalawang sunod na panalo matapos matalo sa National University Lady Bulldogs.
“Nakita ni coach na frustrated kami kaya ang ipinagagawa niya ay mag-relax kami,” wika ni Maria Lina Isabel Molde na gumawa ng 21 puntos mula sa 19 kills at 2 aces.
Ang panalo ay nagtulak din sa pahingang FEU Lady Tamaraws sa quarterfinals sa Group A dahil ang University of Batangas at pahingang PUP Lady Radicals na may 0-3 karta ay hanggang dalawang panalo na lamang puwedeng makuha sa liga.
Sina Justine Dorog, Diana Mae Carlos at Marian Alisa Buitre ay naghatid pa ng 18, 17 at 10 puntos para sa Lady Maroons na sumalo sa Lady Bulldogs at Arellano Lady Chiefs sa ikalawang puwesto.
Ibinuhos ng UST Tigresses ang lahat sa deciding fifth set para maitakas ang 25-12, 17-25, 25-21, 26-28, 15-7, panalo sa St. Benilde Lady Blazers.
Ang mga starters na sina Carmela Tunay, Jessey de Leon, Pamela Lastimosa, Ennajie Laure at Marivic Meneses ay tumapos bitbit ang 15, 14, 12, 12 at 12 puntos upang putulin ang dalawang sunod na panalo ng Lady Blazers at magkatabla ang dalawa sa 2-1 karta sa Group B. (AT)
- Latest