POC problemado sa listahan ng mga atleta na isasabak sa Singapore SEA Games
MANILA, Philippines – Kahapon ang huling araw para maipadala sa Singapore SEA Games organizing committee ang talaan ng mga atleta ng Pilipinas pero may mga problema pa ring kinakaharap ang management committee.
Sa panayam kay Chief of Mission at POC treasurer Julian Camacho, hindi pa nagbibigay ng listahan ng mga pangalan ang swimming habang naghahabol naman ng puwesto ang floorball.
May 14 slots na ibinigay ang ma-nagement committee para sa swimming association ni Mark Joseph pero habang isinusulat ang balitang ito ay hindi pa sila nagpapadala ng kanilang listahan.
“We can’t wait for them. At the end of the office hours at wala pa sila, doon na sila sa FINA o sa Singapore maghabol ng kanilang line-up,” wika ni Camacho.
Ipinaliwanag ni Camacho na ang orihinal na inaprubahan ng management committee sa swimming ay tatlong manlalangoy lamang (2 lalaki-1 babae) base kanilang performance. Pero hiniling ni coach Pinky Brosas na dagdagan ito at pumayag naman ang komite na magbigay ng 11 slots.
Pero sa isang meeting na mismong dinaluhan ni Joseph ay nagpadagdag pa ito ng tatlong slots na muling pinahintulutan ng komite.
“Ibinigay na natin ang gusto nila, binigyan na natin sila ng pagkakataon at kung wala pa sila, wala na kaming magagawa,” dagdag pa ni Camacho.
Ang swimming delegation na lamang ang kulang sa aquatics dahil hawak na ng komite ang lahok sa water polo (13-male, 13-female), diving (4) at synchronize diving (2).
Sa kabilang banda, ang floorball ay nakikiusap pa na ipasok sila bagay na ipapasa ng management committee sa POC para desisyunan.
“Ang sabi nila malakas sila sa kanilang international federation. So ang recommendation namin is for them to write the POC executive board for them to get their nod for their inclusion to the team,” paliwanag pa ni Camacho.
Ang POC executive board ay magkakaroon ng pagpupulong sa Abril 15.
May sariling pondo ang floorball at balak nilang ipadala ang men’s at women’s team na bubuuin ng tig-20 manla-laro bukod pa sa tig-dalawang opisyales.
Maliban sa dalawang sports na ito, lahat ay nakaayos na at ang Pilipinas ay kakatawanin ng 451 atleta na lalaro sa 34 sa 36 sports na paglalabanan sa Singapore.
Sa bilang na ito, 51 atleta na binubuo ng women’s water polo (13) women’s net ball (12), men’s volleyball (12), women’s dragon boat (8) at practical shooters (6) ang isinama dahil sa pagkakaroon ng sariling sponsors.
“Dapat ngayong araw ay nasa Singapore Organizing Committee na ang listahan ng delegation but we asked for two days extension. After today, sa Singapore o sa mga international fe-derations na makikipag-usap ang mga may pahabol na athletes,” banggit pa ni Camacho na secretary-general din ng wushu. (AT)
- Latest