Foton pinigilan ang Shopinas
MANILA, Philippines – Tinapos ng Foton Tornadoes ang dalawang dikit na panalo ng Shopinas Lady Clickers sa kumbinsidong 25-17, 25-17, 25-17, panalo sa Phi-lippine SuperLiga (PSL) All-Filipino Conference kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Sina Nicole Tiamzon, Patty Orendain at Angelie Araneta ang mga kumamada uli para ibigay sa Tornadoes ang kanilang ikalawang sunod na panalo matapos ang tatlong laro sa ligang inorganisa ng SportsCore katuwang ang Asics, Mikasa, Senoh, Mueller Sports Medicine, Via Mare, LGR at Healthway Medical.
Ang rookie na si Tiamzon ay nagpasabog ng 19 puntos, mula sa 15 kills at tatlong aces, habang ang beteranang si Orendain ay may 13 puntos.
May panuportang pitong hits ang number two rookie pick na si Araneta para magkasalo ngayon ang Foton at Shopinas sa ikalawang puwesto sa 2-1 baraha.
“Ang maganda sa team na ito ay lahat sila may role at tanggap nila ang mga role na ito. HIndi ko rin sila binibigyan ng pressure kaya natural ang kanilang ikinikilos sa loob ng court,” wika ni Foton coach Villet Ponce-de Leon.
Kahit sinikap ng Shopinas na bigyan ng matin-ding laban ang Tornadoes ay may mga panapat sila para makuha ang panalo sa tatlong sets lamang.
Nagsimula ang laro nang hindi nakasama ng Foton si Ponce-de Leon dahil may trabaho pa siya.
Sa second game, umatake ang Philips Gold sa endgame upang igupo ang Mane ‘N Tail, 25-19, 27-25, 25-16 para sa kanilang unang panalo. (AT)
- Latest