Channel 2-5-7 nagkaisa para sa Pacquiao-Mayweather fight
MANILA, Philippines - Walang dahilan para hindi mapanood ng mga Filipino ang magaganap na laban sa pagitan nina Manny Pacquiao at Floyd Mayweather Jr. sa Mayo 2.
Humarap sa mamamahayag ang mga matataas na opisyales ng Solar Entertainment, GMA 7, ABS-CBN at TV5 sa pulong pambalitaan sa Solaire Resort and Casino kahapon para pormal na ihayag ang pagkakaisa para maisaere ang nasabing laban.
Ang Solar Entertainment sa pangunguna ni CEO Wilson Tieng ang nakabili ng broadcast rights sa pinakamalaking laban sa kapanahunang ito bago siya nakipagnegosasyon sa tatlong malalaking free television networks upang matiyak na maaabot ang kasuluk-sulukan ng bansa ang nasabing mega-fight.
“Mismong si Manny ang siyang nagsabi ng kagustuhan na maipalabas ang kanyang laban sa lahat ng networks para magkaisa ang lahat ng Filipino. Hindi naman naging problema ang negosasyon at umabot lang ito ng dalawang linggo dahil lahat ng networks ay nakikiisa sa hangarin ni Pacquiao,” wika ni Tieng.
Dumalo para sa GMA 7 si EVP Felipe S. Yalung, kumatawan sa ABS-CBN si Dino Laureanoat si Chot Reyes sa Sports 5. Nasa kaganapan din si Oscar Reyes Jr. para sa Cignal, si Mike Enriquez para sa GMA Radio at Edgar Tejerero na pangulo ng SM Lifestyle Entertainment.
Ang GMA Radio ang siyang magsasaere ng live sa radio habang mapapanood din ang bakbakan sa SM at Walter Mart cinemas.
“Salamat sa lahat dahil sa pagkakaisa para maipalabas sa ating mga kababayan ang fight na ito. Salamat din sa Solar dahil sila talaga ang nag-effort para madala d’yan ang laban,” wika ni Pacquiao gamit ang video patch.
Gumastos ang Solar Entertainment ng $10 milyon para sa broadcast rights ng laban bago nakipagnegosasyon sa ibang mga networks.
Ang feeds na ipalalabas sa free television ay manggagaling sa Solar habang mangangasiwa sa Pay Per View ang Cignal.
Ayon kay Reyes, ang subscription rates sa PPV ay P2,000 habang ang mga magnanais na mapanood ang laban sa pamamagitan ng kanilang tablets o mobile phones ay magkakahalaga ng P500. (AT)
- Latest