National Open preview ng Singapore SEA Games
MANILA, Philippines - Ang preview ng 2015 Southeast Asian Games athletic competitions sa Singapore ang maaaring matunghayan sa Philippine National Open Invitational Championships na nakatakda sa Marso 19-22 sa San Luis Sports Complex sa Sta. Cruz, Laguna.
Humigit-kumulang sa 1,500 top-rated athletes mula sa Asia, kasama ang 80 hanggang 90 buhat sa Japan, Korea, China, Chinese Taipei, Hong Kong, Thailand, Indonesia, Vietnam, Malaysia, Singapore, Brunei at host Philippines ang mag-aagawan sa karangalan sa four-day National Open na magbabalik matapos mahinto ng apat na taon.
“This will be a National Open like no other. Pang-SEA Games na ang level ng competitions because our regional neighbours are coming in and using this competition to select their athletes going to the Singapore SEA Games this June,” sabi ni Philip Ella Juico, ang presidente ng nag-orga-nisang Philippine Amateur Track and Field Association (PATAFA).
Ang athletic championships ay isasagawa sa pakikipagtulungan kay host Laguna Governor Ramil Hernandez.
“We expect the competitions to be tough and it will be a treat to the people of Laguna seeing these top athletes from the region go at it,” ani Juico, kakandidato para sa vice presidency ng Asian Athletics Association sa Hunyo.
Sinabi ni Juico na ipupursige niya ang pagkakaroon ng sports cooperation sa hanay ng mga bansa sa rehiyon kagaya ng ASEAN (Association of Southeast Asian Nations) economic template para itaas ang athletic standards.
Tig-23 gold medals ang ilalatag sa men’s, women’s at junior competitions sa PH Open, habang anim ang itataya sa masters’ category at sa 19-under division.
Ang Philippine team ay babanderahan ni national Olympic program 19-year-old pole vaulter Ernest John Obiena, binasag ang 22-taong national mark na 5.01 meters ni Edward Lasqueta sa kanyang bagong 5.05 meters noong Hulyo ng nakaraang taon sa PATAFA meet.
Muling nagtayo ng bagong national record si Obiena nang maghagis ng 5.20 meters para maghari sa Singapore Open.
Makakasama ni Obiena, anak ni dating national athlete na si Emerson Obiena, sina Fil-Am hurdler Eric Cray, 15-year-old sprinter Zion Corrales-Nelson, middle-distance runner Archand Bagsit, decathlete Jesson Cid at dating Asian long jump champion Marestella Torres.
- Latest