Balak tapusin agad ng DLSU Spikers

MANILA, Philippines - Gagamitin ng La Salle Lady Archers ang kanilang malawak na karanasan para tapusin ang laban kontra sa determinadong National University Lady Bulldogs sa 77th UAAP women’s volleyball step-ladder semifinals ngayon sa Smart Araneta Coliseum.

Ang laro ay magsisimula dakong alas-4 ng hapon at kailangan lamang ng Lady Archers na talunin ang Lady Bulldogs ngayon para makapasok na sa Finals kontra sa nagdedepensang kampeon at may thrice-to-beat advantage na Ateneo Lady Eagles.

Nagkaroon ng bentahe ang Lady Archers nang pumangalawa sila sa double-round elimination (12-2) at hindi nila dapat palampasin ang pagkakataon upang hindi malagay sa peligro ang paghahangad sa kanilang ikapitong sunod na paglalaro sa finals.

Bago ito ay magtutuos muna ang nagdedepensang kampeong National University Bulldogs at Ateneo  Eagles sa pagsisimula ng best-of-three championship series sa sa kalalakihan sa ganap na ika-2 ng hapon.

Ang Eagles ang lumabas na number one team sa elimination round at agad na pumasok sa Finals nang kalusin ang Adamson Falcons.

Ngunit hindi sila nakakatiyak dahil naipakita ng Bulldogs na nasa magandang kondisyon na sila matapos ang dalawang sunod na panalo sa second seed UST Tigers sa semifinals.

Sina Ara Galang, Mika Reyes, Cyd Demecillo at Kim Fajardo ang magdadala para sa Lady Archers pero dapat na maging consistent sila mula sa simula hanggang sa matapos ang laro para hindi papormahin ang Lady Bulldogs.

Determinado ang NU na makaisa para mahatak sa sudden-death ang kanilang laban kontra sa La Salle lalo pa’t inspirado sina Jaja Santiago, Myla Pablo, Jorelle Singh at Rizza Jane Mandapat sa pagdiskarte ni coach Roger Gorayeb.

“Kailangang tapatan namin ang kanilang intensidad at dapat ay magkaroon ng magandang start,” wika ni Gorayeb.

Dagdag pa sa motibasyon ng koponan ay ang katotohanang may tsansa silang wakasan ang 59 taong pagkauhaw sa titulo sa liga.

May dalawang kampeonato na ang Lady Bulldogs pero nangyari ito noon pang 1953 at 1956.

Nakaabot ang NU sa yugtong ito  nang ipanalo ang huling apat na laro at ang huli ay nakuha sa FEU Lady Tamaraws sa apat na sets para pumasok sa se-cond round ng step-ladder semifinals. (AT)

Show comments